LOTTO OUTLET SA BAYAN NG STA. ELENA, NILOOBAN; MILYONG HALAGA NG ALAHAS AT PERA NG MAY ARI, NATANGAY NG KAWATAN!

http://camnortenews.com/page/wp-content/uploads/2018/10/robbery608.jpg

Oktubre 17, 2018, Sta. Elena, Camarines Norte – Labis ang panlulumo ng may ari ng isang Sweepstakes Lottery Outlet sa Purok 14, Brgy. Poblacion,bayan ng Sta. Elena matapos itong looban ng kawatan kung saan natangay ang milyong halaga ng pera at alahas.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Sta. Elena Municipal Police Station, dakong  6:00 kaninang umaga ng madiskubre ng biktimang si Amelia Dygico y Albino, 73 anyos, may asawa at residente ng nasambit na lugar, na napasok na ng di nakilalang suspek ang tahanan nito kasama na ang pag aari nitong lotto outlet.

Dumaan umano ang kawatan sa sliding door sa ikalawang palapag ng bahay at dumiretso sa lotto outlet kung saan ay winasak nito ang table drawer na ginagamit ng biktima sa kaniyang lotto business. Nasa loob din umano ng naturang drawer ang mga alahas at pera na tinangay ng suspek.

Nakuha mula dito ang dalawang (2) set ng wedding ring na nagkakahalagang Php 125,000, isang (1) mega gold necklace na nagkakahalagang Php 60,000 at iba pang klase ng alahas na umaabot sa milyon ang halaga. Hindi naman matukoy ang halaga ng pera o cash na natangay mula dito.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang Sta. Elena MPS ukol sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek at pagkadarakip dito.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.