Oktubre 17, 2018 Labo, Camarines Norte – Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang pahinante habang sugatan naman ang dalawang drayber matapos na magsalpukan ang berdeng dump truck at puting closed van sa kahabaan ng Maharlika Highway, P-6 Brgy. Masalong, Labo, Camarines Norte dakong 1:20 ng hapon kanina.
Kinilala ang nasawi sa aksidente na si Allan Jerez, closed van helper, residente ng P-6 Brgy. Masalong, Labo, Camarines Norte.
Ayon sa imbestigasyon ng Labo MPS, habang binabaybay mula Bayan ng Jose Panganiban ang kahabaan ng Maharlika Highway ng closed van na may temporary plate number 138009 na minamaneho ni John John Jerez na residente ng nasabing lugar ay sinakop nito ang linya ng kasalubong na dump truck na may temporary plate number 030101 na minamaneho naman ni Elmer Valdez na residente ng B60 L11 Villa de Calamba, Calamba, Laguna na nagresulta ng salpukan ng dalawang sasakyan.
Kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang drayber na agad namang naisugod ng BFP Labo at PDRRMO sa Camarines Norte Provincial Hospital ngunit idineklara namang dead on arrival si Allan Jerez nang dalhin ito ng MDRRMO Labo sa CNPH.
Samantala, damay din sa insidente ang isang motorsiklo na minamaneho ni Jinky Hana Moraño na residente ng P-2 Brgy. Capacuan, Paracale, Camarines Norte na nagtamo ng galos sa katawan matapos na maatrasan ito ng closed van dahil sa impact ng banggaan.
Sa ngayon ay nagpapagaling na ang mga drayber ng dalawang sasakyan habang ligtas naman ang pahinante ng dump truck na kinilalang si Eduardo Silvio.
Camarines Norte News

