Nobyembre, 11, 2018, Daet, Camarines Norte –Humigit kumulang sa anim na raang libong pisong (600,000 Php) halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng pinagsamang pwersa ng Pasacao Municipal Police, PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) at Police Regional Office 5 sa isinagawang drug buy bust operation dakong mga 11 :55 ng tanghali, Nobyembre 9, sa Zone 5, Barangay Sta. Rosa Del Norte, Pasacao, Camarines Sur.
Nadakip sa nasabing drug buy bust operation ang suspek at tulak ng droga na si Artie Gonzales Oliver, isang High Value Target sa drug list ng pulisya at nauna na ring sumuko nitong 2016.
Ayon sa salaysay ng pulisya, nadakip ang suspek matapos na mapagkasunduan nito at ng katransaksyon nitong pulis na magkita upang bumili ng droga sa halagang tatlumpu’t anim na libong piso (36,000).
Matapos tanggapin ni Oliver ang mark money ay naging hudyat na ito upang kumilos ang mga otoridad na nagresulta naman sa agad na pagkadakip ng nasabing suspek.
Nang halughugin ang kwarto ng suspek ay narekober pa rito ang nasa tinatayang 600,000 hanggang 800,000 na halaga ng mga sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng shabu at ilang mga paraphernalia na gamit sa pagkonsumo at pagbebenta ng droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang nasabing suspek para sa mga kaukulang disposisyon. Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News
Photo Courtesy of Joe Osabal

