Diyosesis ng Daet may bago ng Obispo!

Diyosesis ng Daet may bago ng Obispo!

Enero 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Matapos ang halos dalawang taon ng paghihintay ay pormal ng inanunsyo ng Simbahang Katolika sa Roma ang pagkakatalaga sa bagong Obispo ng Diyosesis ng Daet. Itinalaga ng Santo Papa si Rev. Fr. Rex Andrew Alarcon bilang ika-apat na Obispo ng Daet at kahalili ni Arsobispo Gilbert Garcera na ngayon ay nakatalaga na sa Arkidiyosesis ng Lipa city, Batangas.

Ang opisyal na sulat para sa Diyosesis ng Daet tungkol sa pagkakatalaga kay Rev. Fr. Rex Alarcon bilang bagong Obispo ng Diyosesis. Photo from Rev. Fr. Mandy Orido’s Facebook account.

Sino nga ba si Fr. Alarcon? 

Si Fr. Rex Andrew Alarcon ay ipinanganak sa Daet, Camarines Norte noong ika-anim ng Agosto taong 1970. Siya ay nagtapos ng Pilosopiya sa Holy Rosary Minor Seminary at Teolohiya sa University of Santo Tomas sa Maynila.

Siya ay naordenahan bilang pari noong November 9, 1996 at itinalagang assistant parish priest ng St. John the Evangelist Parish sa Naga city. Noong 1997 hanggang 1999 ay naglingkod siya bilang private secretary para sa Arsobispo ng Caceres.

Matapos nito ay ipinadala siya sa Pontifical Gregorian University sa Roma at nagtapos ng Licentiate in Church History sa nasabing Unibersidad.

Mula 2002 ay itinalaga siya bilang director ng Stewardship program ng Arkidiyosesis ng Caceres at superintendent ng Naga parochial school/presidente ng Catholic Association of Education noon namang 2007.

Noong 2013, siya naman ay itinalagang mamahala sa lahat ng Catholic Schools sa buong Arkidiyosesis ng Caceres. Bago ang kanyang pagkakatalaga bilang Obispo, si Fr. Alarcon ang kasalukuyang Pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines mula pa noong 2016.

Sa pagkakatalaga kay Fr. Alarcon bilang bagong Obispo ng Daet ay hinihingi sa bawat mananampalataya sa buong Diyosesis ang taimtim na mga panalangin upang siya’y gabayan sa paggampan ng kanyang tungkulin bilang pastol ng simbahan sa lalawigan.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *