
Enero 3, 2019, Daet, Camarines Norte. Makalipas ang halos dalawang linggong imbestigasyon ay kinumpirma ni PNP (Philippine National Police) Chief Oscar Albayalde kanina sa Kampo Crame ang pagkakasangkot ni Incumbent Daraga Mayor Carlwyn Baldo sa pagpaslang kay AKO Bicol Congressman Rodel Batocabe.
Positibong itinuro ng testigo ang pagkakakilanlan at partisipasyon ng mga pumatay kay Batocabe at sinabing si Baldo umano ang “Mastermind” ng nasabing krimen. Ayon pa sa testigo na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP, nagsimula umano ang planong pagpatay kay Batocabe matapos ianunsyo ng Kongresista ang plano nito na tumakbo bilang alkalde ng bayan ng Daraga, Albay.
Matatandaan na si Batocabe ang umanoy nangunguna sa survey sa pagkamayor ng nasabing bayan kung kaya’t kumbinsido ang pamilya nito na isang malaking pangalan sa pulitika ang may kagagawan ng pagpaslang sa Kongresista.

Ang diagram na prinisenta ng PNP tungkol sa pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpatay kay Batocabe.
Ayon sa PNP, ang nasabing grupo na pumatay kay Batocabe ay isa umanong private armed group na inupahan ni Baldo at dati na ring sangkot sa iba’t ibang kaso ng contract killing.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP Chief Oscar Albayalde ang pag kansela sa lisensya ng mga baril ni Baldo at pagtanggal ng otoridad nito sa kapulisan ng Daraga, Albay.
Samantala, sinampahan na ng kasong double murder at six counts of multiple frustrated murder sina Mayor Baldo at anim pang mga suspek na sangkot sa pagpatay kay Batocabe.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News