Enero 8, 2019, Daet, Camarines Norte. Tiyak na ang pagbabagong magaganap sa Academic Calendar ng mga pampublikong Unibersidad at Kolehiyo sa buong kabikulan, iyan ay matapos lagdaan ng mga pangulo ng iba’t ibang HEI (Higher Education Institution) sa rehiyon ang resolusyong naglalayong ilipat sa buwan ng Agosto ang pagsisimula ng pasukan sa darating na school year 2019-2020.
Ang resolusyon ay nilagdaan nina Dr. Dolce F. Atian ng Camarines Sur Polytechnic Colleges, Dr. Helen R. Lara ng Sorsogon State College, Dr. Raul G. Bradecina ng Partido State University, Dr. Minerva I. Rosales ng Catanduanes State University, Dr. Arnulfo M. Mascariñas ng Bicol University, Dr. Alberto N. Naperi ng Central Bicol State University of Agriculture, Dr. Erwin H. Malto ng DEBESMSCAT, Dr. Rusty G. Abanto ng Camarines Norte State College at Dr. Richard H. Cordial ng Bicol State College of Applied Science and Technology.

Ang nilagdaang resolusyon ng mga pangulo ng State Universities and Colleges sa Bicol region. Photo from Benjamin Nebres III
Ang resolusyon ay nilagdaan bilang pagtugon sa ASEAN (Association of South East Asian Nations) Integration na kung saan isinasabay ang schedule ng pasukan alinsunod sa adopted school calendar ng ASEAN. Dahil rito, tiyak umano na magdudulot pa ng mas maraming partnerships sa iba’t ibang Unibersidad sa South East Asia ang mga paaralan dito sa kabikulan bunsod ng pagkaka-align ng kalendaryo nito sa mga ito.
Matatandaan na nauna ng nagbago ng kalendaryo ang University of the Philippines at mga Unibersidad sa kamaynilaan. Samantala, patuloy pa rin ang debate ng iba’t ibang mga sektor sa bansa kung nararapat ba na baguhin o panatilihin ang school calendar sa mga paaralan.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News