Ang mga pinarangalang Tricycle drivers sa bayan ng Daet.
Enero 10, 2019, Daet, Camarines Norte. Samu’t sari man ang natatanggap na reklamo mula sa mga pasahero ay hindi pa rin maikakaila ang presensya ng mga huwarang tricycle drivers sa bayan ng Daet, ito ay matapos piliin at parangalan ang mga ito sa awards night ng “Ten Outstanding Tricycle Drivers of Daet 2018” na ginanap noong Enero 7 sa munispyo ng bayan ng Daet.
Ang nasabing programa ay bunsod ng pagtutulungan ng LGU Daet (Tricycle Regulatory Unit) na pinamumunuan nina Mayor Benito Ochoa at Rosa Mia Lamadrid King, Camarines Norte News sa pamumuno ng Managing Editor nito na si Maria Eliza Llovit at JCI Daet Bulawan na pinamumunuan naman ni Yvette Marie Sayno.
Layunin ng parangal na kilalanin at itampok ang mga huwarang tricycle drivers sa bayan na kung saan ginamit na basehan sa pagpili sa mga ito ang kanilang mga kahanga-hangang ginawa bilang driver, testimonya o pagpapatunay ng mga kasamahan sa TODA (Tricycle Operators and Drivers Association), at iba’t ibang aspeto ng pamumuhay nito bilang isang indibidwal, driver, mamamayan at haligi ng pamilya.
Ang mga proponents ng nasabing proyekto: Mayor Benito Ochoa at Councilor Rosa Mia Lamadrid King ng LGU Daet, Yvette Marie Sayno ng JCI Daet Bulawan, at Maria Eliza Llovit ng Camarines Norte News
Tinanghal na “Most Outstanding driver” si Wilnor B. Rada Sr. mula sa CPTODA (Central Plaza TODA) dahil sa angkin nitong katangian bilang isang tricycle driver. Samantala, narito ang pagkakasunod ng mga tinanghal na Ten Outstanding Tricycle Drivers kasama ang kanilang kinabibilangan na TODA:
- Wilnor B. Rada Sr. – CPTODA
- Alex Miguel Jamito – SMBTODA
- Rodel C. Martinez – MANTODA
- Augusto S. Rada – AWTODA
- Jaime J. Torion
- Marlon D. Geromo – CMBTODA
- Rodrigo Soria – ALATODA
- Michael Cabanela – ALATODA
- Edgar N. Sabanal – BABTODA
- Nelson G. Adano – MACATODA
Consolation Prize
- Wilfredo Flores – MACATODA
- Ruel Cuares – BABTODA
Ang mga nasabing indibidwal ay isa-isang pinarangalan ng Cash Prizes at plaque of recognition mula sa LGU Daet. Tumanggap ng sampung libong (10,000) piso ang tinanghal na Most Outstanding Driver, dalawang libong (2,000) piso para sa rank 2 to 5, at isang libong (1,000) piso naman para sa rank 6 to 10. Dalawang 500 pesos worth of consolation prize naman na nagmula sa Camarines Norte News ang ipinamigay sa dalawa pang indibidwal na napili bukod pa sa mga Drifit shirts mula sa JCI Daet Bulawan na ipinamahagi sa lahat ng mga awardees.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News