Enero 15, 2019, Daet, Camarines Norte. Bunsod na rin ng maraming mga hinaing ng Internet users sa lalawigan ng Camarines Norte ay sama samang inihain ng mga bokal sa Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na naglalayong matugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga Telco companies sa nasabing lalawigan.
Sa pamamagitan ng nasabing resolusyon ay ipapatawag bukas (January 16) sa regular na sesyon ng Sanggunian ang mga Internet service providers tulad ng PLDT, Globe at Smart, upang magbigay ng update sa kalagayan ng kanilang serbisyo sa lalawigan.
Nais ding alamin ng mga bokal ang mga planong ilalatag ng mga nasabing Telco companies upang masolusyunan ang mga problemang may kinalaman sa kanilang serbisyo partikular na sa bilis at access sa Internet.
Samantala, binigyang diin rin ng mga bokal ang papel na ginagampanan ng Internet sa malayang pamamahayag ng taumbayan at kung gaano ito kahalaga sa makabagong panahon.
Binanggit rin ng mga ito na ang paggamit ng Internet ay itinuturing ng pangunahing karapatan ng isang tao kung kaya’t nararapat lamang na maibigay ang magandang serbisyo nito, partikular sa mga taga-lalawigan ng Camarines Norte.
Maoobserbahan na isa rin sa mga lugar na nakararanas ng pangit na serbisyo ng mga Internet service providers ay ang lalawigan ng Camarines Norte, dagdag pa ng mga bokal.
Inaasahan ng mga mamamayan na sa pamamagitan ng pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan, Internet service providers at ilang mga sektor ay tuluyan ng masosolusyunan ang mga problemang kinakaharap tungkol sa Internet service ng Camarines Norte.
*photos from Bokal Atty. Godfrey Parale
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News