Paglalagay ng CT-Scan sa Camarines Norte Provincial Hospital, isang “dream come true” para sa mga mamamayan!

Paglalagay ng CT-Scan sa Camarines Norte Provincial Hospital, isang “dream come true” para sa mga mamamayan!

Enero 19, 2019, Daet, Camarines Norte. Matapos ang ilang taong paghihintay ay naisakatuparan na rin sa wakas ang paglalagay ng mga bagong pasilidad sa CNPH (Camarines Norte Provincial Hospital) tulad ng Out Patient ward, CT-scan, Dialysis at X-ray Machines. Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnulfo Salagoste, taong 2010 pa nila sinimulan ang pag acquire ng mga bagong kagamitan ngunit taong 2018 lamang ng makarating ito dahil sa metikulosong proseso ng pagbili sa mga ito.

Si Dr. Arnulfo Salagoste habang nagbibigay ng talumpati sa inauguration ceremony ng mga bagong pasilidad ng CNPH

Pinakatampok sa mga bagong biling gamit ng CNPH ay ang CT-Scan Machine (Computed Tomography) na nagkakahalaga ng sampu (10) hanggang sa limampung (50) milyon ang isa depende sa klase at modelo. Sa buong lalawigan ng Camarines Norte ay tatlong ospital lamang ang nagtataglay ng ganitong pasilidad, ang Our Lady of Lourdes Hospital, Leon Hernandez Hospital at sa ngayon ay ang Camarines Norte Provincial Hospital. 

Kadalasan, nagkakahalaga ng apat hanggang sa sampung libo ang eksaminasyon gamit ang CT-Scan kung kaya’t isang magandang bagay ang madala ang serbisyo nito sa mga mahihirap na mamamayan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Provincial Hospital. Gaano nga ba kahalaga ang CT-Scan Machine para sa isang ospital at ano ang mga serbisyong kayang ihatid nito?

  1. Ang CT-Scan Machine ay isang kagamitang may kakayahang magbigay ng mas malilinaw na imahe ng loob ng katawan kaysa sa isang ordinaryong X-ray machine.
  2. Kaya nitong makita ang mga soft tissuesblood vessels at mga buto sa loob ng katawan. Kaya rin nitong ma-visualize ang loob ng ulo, balikat, spine o gulugod, puso, tiyan, tuhod, at dibdib.
  3. Sa pamamagitan ng malinaw na imahe na naibibigay nito ay natutulungan nito ang mga doktor na makapagbigay ng mas maayos na diagnosis sa isang karamdaman na meron ang isang tao.
  4. Kaya nitong madetect ang mga infections, muscle disorders, bali sa buto, kinalalagyan ng isang tumor, at internal bleeding. 
  5. Sa pamamagitan ng CT-Scan ay mas epektibo ring napag-aaralan ng mga doktor ang iyong katawan, bagay na magagamit sa paggamot ng iba’t ibang uri ng sakit tulad ng sakit sa puso at cancer. 

Ang pagkakaroon ng bagong CT-Scan ay tiyak na magdadala ng magandang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng Camarines lalo na’t nauna ng sinabi ni Gobernador Edgardo Tallado sa kanyang talumpati na target niyang gawing libre ang serbisyo nito sa mga mahihirap na Cam Norteño.

Si Gobernador Edgardo Tallado habang nagpapasalamat sa mga taong tumulong sa pagsasakatuparan ng mga bagong pasilidad sa CNPH

Samantala, nagpasalamat rin ang Gobernador sa lahat ng mga ahensyang nagbigay katuparan sa pagkakaroon ng bagong CT-Scan sa CNPH tulad ng Sangguniang Panlalawigan, Provincial Health Office at Department of Health. Target pa umano ng Gobernador na magbigay pa ng mas maraming serbisyo sa panlalawigang pagamutan sa pamamagitan na rin ng pagtutulungan ng bawat isa.

*photos from the Provincial Information Office

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *