Ang mga lugar na dadaanan ni bagyong Amang ayon sa PAGASA.
Enero 20, 2019, Daet, Camarines Norte. Hindi pa man tuluyang nakakabangon ang ilang lugar sa kabikulan ay isang bagyo nanaman ang nagbabadyang magdala ng malalakas na pag-ulan sa rehiyon. Ayon sa PAGASA (Philippine Athmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration), si bagyong Amang, ang unang bagyo sa taong 2019, ay posibleng magdala sa kabikulan ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa loob ng dalawang araw.
Dahil dito ay muling pinag-iingat ang mga residente ng rehiyon sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa oras na magsimula ng manalasa ang bagyo. Bagama’t hindi man direktang tatama sa kabikulan ang bagyo, ang makapal nitong kaulapan at sakop ay magdadala ng pag-ulan sa mga madadaanang lugar nito tulad ng Eastern Visayas at Bicol region.
Dahil rito, suspendido ang mga klase bukas (January 21, 2019) sa lahat ng antas sa buong rehiyon bunsod na rin ng peligrong pwedeng maidulot nito sa mga mamamayan. Samantala, base sa huling pagtataya ng PAGASA dakong alas siyete ng gabi, ang bagyong si Amang ay namataan sa layong 135 kilometro silangan ng Surigao city, Surigao Del Norte. Ito ay kumikilos
patungong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras. Si Amang ay may taglay na lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro hanggang 60 kilometro kada oras.
Bagama’t wala pang storm signal sa rehiyon, inaasahan ang pagdeklara ng mga ito sa darating na mga oras habang papalapit sa kalupaan si Amang. Ang lahat ay pinapayuhan na mag-ingat upang makaiwas sa anumang sakuna na pwedeng maidulot ng bagyo.
Bisitahin ang website ng PAGASA para sa iba pang mga updates tungkol sa bagyo: http://bagong.pagasa.dost.gov.ph/
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News