Ako-Bicol Party List tutol sa pagbaba ng Criminal Liability; proyekto para sa kabataan at edukasyon patuloy na isusulong ng partido!

Ako-Bicol Party List tutol sa pagbaba ng Criminal Liability; proyekto para sa kabataan at edukasyon patuloy na isusulong ng partido!

Si Cong. Alfredo Garbin Jr. ng AKO Bicol Partylist sa isang pagtitipon kasama ang mga media sa lalawigan ng Camarines Norte.

Enero 26, 2019, Daet, Camarines Norte. Hindi umano papabor ang AKO Bicol Party list sa panukalang batas sa Kongreso na naglalayong ibaba ang “Criminal Liability” sa edad na siyam (9) o labindalawang (12) taong gulang. Iyan ang naging pahayag ni AKO Bicol Party List Congressman Alfredo Garbin Jr. sa isang talakayan kahapon ng umaga kasama ang mga media sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon sa kongresista, kailangan munang ayusin ang pagpapatupad ng Republic Act 9344 o mas kilala sa tawag na Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 bago pagtuunan ng pansin ang pagbaba ng criminal liability sa mga kabataan. Ang mahinang implementasyon umano ng RA 9344 ang isa sa mga rason kung bakit mas maraming problema ang maaaring lumitaw sa batas na nais ipanukala ng ilang kongresista. Ayon sa nasabing batas,  kinakailangang magtayo ang mga LGU’s (Local Government Units) ng mga “Bahay Pag-Asa” na kung saan dito dadalhin at irerehabilitate ang mga “Children in Conflict with the Law” para sa pagtutuwid ng kanilang mga maling gawain. Sa inisyal na datos ay tanging tatlong porsiyento lamang ng mga LGU sa buong bansa ang nag-implement nito kung kaya’t baka sa huli

umano ay ilagay rin sa mga kulungan kasama ng mga kriminal ang mga kabataang lumabag sa batas, bagay na magiging masama para sa kanilang development.

Ang mga kabataang nasasangkot sa krimen ang siya umanong mga biktima dahil kadalasan ang mga ito ay mga napabayaan, inabuso, o kaya nama’y nabubuhay sa kahirapan. Dagdag pa ni Garbin, ang mga kabataang ito ay nakakulong sa ilalim ng mga sirkumstansya na nagdudulot na gumawa sila ng krimen sa lipunan, kung kaya isang bagay umanong dapat tingnan ay ang pagkukulang ng estado at mga magulang sa paglutas sa mga isyu ng komunidad tulad ng edukasyon at kahirapan.

Samantala, sa nasabi ring pagtitipon ay ibinahagi ng partido ang ilang detalye tungkol sa kanilang mga proyekto para sa edukasyon partikular na ang kanilang book distribution sa apat na munisipalidad ng Camarines Norte. Tumanggap ng iba’t ibang mga libro para sa kabataan ang mga bayan ng Daet, Mercedes, Paracale, at Jose Panganiban kahapon ng umaga sa kanilang isang araw na pagbisita sa mga ito. Ang nasabing proyekto ay kanila umanong ginagawa buong taon sa iba’t ibang lalawigan sa kabikulan.

Dagdag pa ng partido, isa rin sa kanilang proyekto ay ang patuloy na pagbibigay ng educational assistance sa mga mahihirap na mag-aaral sa mga pampubliko at maging sa mga pribadong paaralan sa rehiyon. Target umano nila ngayong taon na palawakin ang beneficiaries ng nasabing programa partikular na ang pagdadala nito sa mga Community Colleges.

Kaysa ibaba ang criminal liability, mas naniniwala umano ang partido na mas dapat pagtuunan ng pansin ang mga proyekto para sa kabataan at edukasyon upang mabawasan ang bilang ng mga kabataang naliligaw ng landas.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *