Nalubog sa baha ang tanggapan ng DEPED Camarines Norte matapos ang ilang araw ng pag-ulan sa lalawigan. Photo from Tonying Ahmad’s Facebook account
Enero 1, 2019, Daet, Camarines Norte. Matapos ang ilang araw na pag-ulan at pagdeklara ng State of Calamity sa lalawigan ay pinagpaliban ng DEPED (Department of Education) Camarines Norte ang araw ng pasukan sa lahat ng pampublikong paaralan sa probinsya.
Ayon sa post ng DEPED Camarines Norte sa official Facebook page nito, inililipat ang schedule ng klase sa January 7, 2019 mula sa dating schedule nito na January 3. Ang anunsyo ay alinsunod sa State of Calamity declaration ng Sangguniang Panlalawigan, pati na rin sa pinsalang tinamo ng mga pampublikong paaralan sa buong probinsya.
Ang nasabing hakbang ay para umano siguraduhin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa Camarines Norte at upang mabigyan ng sapat na oras ang bawat paaralan sa buong lalawigan na alamin at ayusin ang mga napinsalang gusali at gamit sa kanilang mga lugar. Matatandaan na may mga ilang ulat ng pagkasira ng mga gamit at gusali sa ilang paaralan sa lalawigan bunsod na rin ng mga pagbaha at malalakas na hangin.
Samantala, bagama’t ipinagpaliban ang klase ay kinakailangan pa ring magreport ng mga teaching at non-teaching personnel sa January 3 upang siguraduhin ang kaayusan ng mga pasilidad na gagamitin sa pagbabalik pasukan sa January 7.
Para sa karagdagang impormasyon, puntahan ang link na ito: https://www.facebook.com/DepEd-Camarines-Norte-748650261859799/
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News