Ekonomiya ng Bicol Region bahagyang tumaas ayon sa NEDA!

Pebrero 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Bahagyang tumaas at umunlad ang ekonomiya ng Bicol Region nitong nakaraang taon ng 2018 sa kabila ng iba’t ibang kalamidad at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ayon sa 2018 year-end report ng NEDA (National Economic and Development Authority), bahagyang tumaas ang performance ng rehiyon sa iba’t ibang aspeto tulad ng agrikultura, pagmimina, turismo, service sector, at trabaho.

Agrikultura

Ayon sa nabanggit na report ng ahensya, tumaas ang produksyon ng mga produktong pang agrikultura sa mga panahon ng Enero hanggang Setyembre 2018 kumpara noong 2017. Mas mataas rin ng 1.36% kumpara noong 2017 ang ani ng palay na umabot sa kabuuang 870,912 metric tons ang na-produced. Nakarekober rin ang Coconut industry mula sa nagdaang bagyong Nina noong 2016 na sumira sa maraming puno ng Niyog. Tumaas ng 11.9% ang kabuuang ani ng niyog  sa buong nehiyon nitong nagdaang taon ng 2018.

Tumaas rin ang produksyon ng Abaca sa 8.16%pangingisda sa 5.68%hog production sa 2.55%poultry products sa 1.41% at cattle (baka) sa 1.85%. Sa lahat ng mga pangunahing pananim ay tanging ang mais lamang ang nagtala ng pagbaba ng produksiyon. Bumaba ng 5.68% ang produksyon ng mais sa rehiyon kumpara noong 2017.

Pagmimina 

Naging maayos ang performance ng mining industry sa kabikulan ayon sa NEDA. Sa kabila ng pagbaba ng produksiyon ng mga metallic at non-metallic products, ay tumaas naman at naging epektibo ang koleksyon ng buwis sa mga mining companies sa rehiyon. Umabot sa kabuuang 2.013 bilyong piso ang nakolektang buwis sa pagmimina mula sa 1.307 bilyong piso lamang noong 2017. Nagtala ng 54% na pagtaas sa koleksiyon ng buwis ang mga nasabing large scale mining companies nitong taon ng 2018. Bumaba man ang produksiyon ng Gold at Silver ay tumaas naman ang produksiyon ng Limestone mineral na siyang pangunahing ginagamit sa paggawa ng semento. Numero unong producer ng ginto at silver sa buong rehiyon ay ang lalawigan ng Masbate dahil na rin sa presensya ng Filminera Resources Corporation dito.

Turismo 

Nanatiling isang malaking aspeto ng pagtaas ng ekonomiya ang turismo sa rehiyon. Ang pagtaas ng turismo ay dulot ng pagdaraos ng iba’t ibang festivals, national events and conventions, mga bagong tourism facilities, at malawakang pagpromote ng turismo. Ayon sa datos ng DOT (Department of Tourism), umabot sa 1.8 million ang dumating na turista noong 2018, hindi pa kasama rito ang datos mula sa Camarines Sur at Naga city. Marami sa mga turista ang dumayo upang saksihan ang pagbuga ng lava ng Mayon Volcano noong mga unang buwan ng Enero at Pebrero 2018.

Service Sector Ang service sector pa rin ang may pinakamalaking ambag sa ekonomiya ng Bicol. Ang service sector ay ang sektor ng ekonomiya na kung saan mas nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo kaysa sa produkto. Ayon sa report, tumaas ang serbisyo ng edukasyon dahil na rin sa pagsasabatas ng Universal Access

to Tertiary Education Act. Sinagot ng gobyerno ang pondo para sa pagpapaaral ng mga estudyante sa Public Institutions at Training Programs. Nagpapatuloy rin ang pagpapatupad ng 4ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program pati na rin ang K-12 program ng DEPED. Ang pagtatayo ng mga bagong Malls, Hotels at iba’t ibang negosyo ay nagdala ng karagdagang trabaho at pag-unlad sa ekonomiya.

Trabaho

Bahagya ring tumaas ang labor market sa kabikulan. 60.9% ng populasyon ng rehiyon (2.5 milyong indibidwal) ay maituturing na employable o maari ng mabigyan ng trabaho. Mas mataas ito ng 0.8 percent kumpara noong 2017. Ito ay bunsod na rin ng mga k-12 senior high graduates na maari ng makapagtrabaho dahil sa kanilang skills. Samantala, tumaas naman ang unemployment rate sa rehiyon. Aabot sa 122,535 na indibidwal ang walang trabaho para sa taong 2018. Ang pagtaas ng unemployment rate ay dahilan na rin sa hindi pagtanggap ng maraming employer sa mga K-12 senior high graduates dahil sa kakulangan sa kanilang educational qualifications. Lumalabas sa pag-aaral na hindi pa rin employable ang mga nasabing K-12 graduates kung kaya’t iminumungkahi ang pagpapataas pa ng antas o lebel ng edukasyon sa bansa.

Presyo

Tumaas ang presyo ng mga bilihin sa rehiyon bunsod na rin ng paghina ng Piso kontra Dolyar. Ang pagtaas ng presyo ng langis sa World Market ang siya ring nagpataas ng presyo ng gasolina at krudo na siya ring nakaapaekto sa presyo ng iba’t ibang bilihin sa merkado. Nagtala ng mataas na 6.9%  inflation rate ang bansa nitong 2018 mula 1.3% lamang na puntos nitong 2017. Sa kabila ng mga ito ay nanatiling nakabantay ang DTI (Department of Trade and Industry) sa pagkontrol o pagmaintain ng reasonable prices ng mga bilihin sa mga pangunahing pamilihan sa bansa.

Sa nakaraang apat na taon ay isa ang rehiyon ng kabikulan sa mga fastest growing regions ng bansa. Isang landas na patuloy na tinatahak ng rehiyon sa kabila ng mga kalamidad at trahedyang dumadaan dito.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *