Pebrero 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Ipinagdiriwang ngayon sa bayan ng Paracale sa lalawigan ng Camarines Norte ang kapistahan ng Birhen ng Candelaria (Our Lady of Candles) na mas kilala rin sa tawag na “Inay Kandi” ng mga residente ng nabanggit na lugar.
Ang pagdedebosyon kay Birheng Candelaria ay nagsimula noong taong 1611 matapos itayo ng mga paring pransiskano ang isang simbahan sa ilalim ng pangalan nito. Matatandaan na isa sa mga pinakaunang bayan na natagpuan ng mga kastila sa Camarines Norte ay ang bayan ng Paracale. Ang pangalan ng nasabing bayan ay nagmula sa salitang “Parakale” na ang ibig sabihin ay “manghuhukay ng kanal” dahil na rin sa mga sinaunang pagmimina ng mga tao sa lugar.
Ayon rin sa mga residente, ang nasabing birhen ay nakapagbigay na ng mga himala sa nasabing bayan. Isa sa mga pinakatanyag na himala umano ng Mahal na Birhen ay ang pagliligtas nito sa bayan ng Paracale laban sa mga piratang Moro noong taong 1809. Ayon sa kwento, tatlumpu’t pitong (37) vinta ng Morong Muslim ang nakatakda na sanang sumugod sa bayan ng Paracale ngunit sila ay nilabanan ng mahal na birhen gamit ang kanyang espada. Sa pangyayari rin umanong ito naputol ang daliri ng imahen dahil sa pakikipaglaban nito. Ang nasabing daliri sa imahe ay sinubukang ayusin ng mga residente ngunit ito ay palaging napuputol.
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ng mga taga Camarines Norte ang ika-apat na raan at walong (408th) taon ng pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ng Candelaria. Totoo man ang mga himala o hindi, ang pagdedebosyon kay “Inay Kandi” ng mga residente ng Paracale ay mananatiling patunay ng mayamang kasaysayan, kultura at pananampalataya hindi lang ng nasabing bayan kundi pati na rin ng buong lalawigan ng Camarines Norte. Viva La Virgen!
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte