Dalawang kahon ng iligal na droga magkasunod na narekober sa mga karagatan ng Vinzons, Camarines Norte!

Dalawang kahon ng iligal na droga magkasunod na narekober sa mga karagatan ng Vinzons, Camarines Norte!

Isa sa mga kahon ng Cocaine na narekober ng mga mangingisda sa bayan ng Vinzons. Photo from CNPPO.

Pebrero 12, 2019, Daet, Camarines Norte. Magkakasunod na narekober sa magkahiwalay na dalampasigan sa bayan ng Vinzons ang mga kahon ng iligal na droga nitong nakaraang araw ng Linggo at Lunes. Ayon sa inisyal na findings ng crime laboratory, Cocaine ang mga drogang narekober sa nasabing bayan.

Naunang narekober ang isang kilo ng Cocaine malapit sa mga karagatan ng Quinamanucan Island dakong mga alas otso y media (8:30) ng Linggong umaga. Ayon sa salaysay ng mag-amang mangingisda na sina Alfredo Vega Sr. at Alfredo Vega Jr., narekober nila ang isang kahon sa nasabing karagatan habang sila ay nangingisda.

Nadiskubre ng dalawa na naglalaman ng mga puting pulbos ang nasabing kahon kung kaya’t ito’y agad nilang tinurn over sa mga otoridad. Sa tantsa ng pulisya ay aabot sa 5.4 milyong piso ang halaga ng nasabing iligal na droga. Samantala, isa pang kahon na naglalaman rin ng Cocaine ang narekober naman sa dalampasigan ng Barangay Aguit-it sa nasabi ring bayan dakong alas singko y media (5:30 pm) kahapong

Lunes. Ayon sa report ng pulisya, unang narekober ng mangingisdang si Jerry Aceron ang nasabing kahon ngunit ito umano ay ibinigay niya sa isa pang mangingisda na si Agustin Mendoza.

Agad umano itong tinapon ni Mendoza pabalik sa dagat sa pag-aakalang ito ay isang nakalalasong kemikal dahil sa masangsang nitong amoy. Matapos maireport ang nasabing pangyayari ay agad na nagsagawa ng paghahanap ang mga otoridad sa nasabing karagatan. Muling natagpuan ng mga otoridad ang nasabing kahon sa Barangay Sabang ng nasabi ring bayan.

Sa pagtataya ng pulisya, aabot sa 4.5 milyong piso ang halaga ng ikalawang kahon ng droga na narekober. Kung pagsasamahin naman ay aabot sa 9.9 million ang kabuuang halaga ng dalawang magkasunod na kahon ng Cocaine na narekober sa magkahiwalay na mga dalampasigan sa bayan ng Vinzons.

Inaalam pa ng mga pulisya kung meron bang direktang koneksyon sa isa’t isa ang mga nasabing kahon at kung sino ang nagmamay ari nito. Matatandaan na noong nakaraang taon ay dalawampu’t walong (28 ) kilo naman ng cocaine ang narekober ng mga mangingisda sa mga karagatan ng Camarines Norte.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *