blob:https://www.facebook.com/40f6aabf-a45e-4d16-bf62-ebb128a20f0b
Pebrero 14, 2019, Daet, Camarines Norte. Nahaharap ngayon sa isang kontrobersya si Mayor Senandro “Pretty Boy” Jalgalado ng bayan ng Capalonga matapos ang kanyang viral video sa social media na naipost nitong nakaraang araw ng Pebrero 9, 2019. Ayon sa video na kuha ni Fanny Almaida, makikita ang naturang alkade na nagmumura at pinagbabantaan ang mga tauhan ng Governor’s Task Force habang nagsasagawa ng operasyon sa Barangay Old Camp ng nasabing bayan.
Sa nasabing insidente ay makikita ang pagharang at paghuli ng Governor’s Task Force sa mga tauhan ng Alkalde dahil sa pagsasagawa umano nito ng Illegal Quarrying sa lugar. Nauna na umanong nakatanggap ng maraming balita ang Governor’s Task Force tungkol sa madalas na pagsasagawa ng Illegal na pagkaquarry sa bayan ng Capalonga kung kaya’t nagpasya sila na magsagawa ng operasyon para ihinto ang nasabing iligal na aktibidad.
Depensa naman ng Alkalde, ang kanila umanong ginagawa ay hindi quarrying kundi rehabilitation project sa mga nasirang kalsada nitong nagdaang bagyong Usman. Ang mga nasabing truck umano ng graba na hinarang ng Governor’s Task Force ay gagamitin sa pagtambak at pagsasaayos ng mga nasirang kalsada sa nasabing bayan. Ang nasabi umanong pagpigil sa kanilang rehabilitation project ang siyang naging dahilan ng kanyang panggagalaiti.
Samantala, bumuo na ng task force si PNP Bicol Regional Director Arnel Escobal upang imbestigahan at alamin ang buong pangyayari at mapanagot kung sinuman ang tunay na may pagkakamali sa insidente. Ang nasabing video ay umani ng hating reaksyon at opinyon partikular na sa mga residente ng bayan ng Capalonga.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News