Pangatlong kahon ng Cocaine sa dalampasigan ng Camarines Norte natagpuan sa bayan ng Paracale!

Pangatlong kahon ng Cocaine sa dalampasigan ng Camarines Norte natagpuan sa bayan ng Paracale!

Pebrero 17, 2019, Daet, Camarines Norte. Isa nanamang kahon ng iligal na drogang Cocaine ang natagpuan sa baybayin ng lalawigan ng Camarines Norte. Ito ay makaraang magkasunod ring narekober sa mga karagatan ng bayan ng Vinzons ang dalawa namang kahon ng iligal na droga na positibo ring kinilala ng pulisya bilang Cocaine.

Ang nasabing ikatlong batch ng Cocaine ay narekober sa dalampasigan ng Barangay Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte mga bandang alas tres ng umaga kahapon. Ayon sa salaysay ni Norly Soriano, ang nakakuha sa iligal na droga, naglalakad umano siya sa nasabing baybayin ng matagpuan niya ang isang kahon na nababalot ng duct tape.

Nang buksan ito ay lumabas ang isang puting pulbos sa nasabing kahon, dahilan upang siya’y maghinala at iturn-over ito sa mga pulis. Matapos itong suriin ay dito na nga nakumpirma ng pulisya na ito ay Cocaine, gaya na rin ng mga naunang narekober sa mga baybayin ng Vinzons nitong mga nakaraang araw.

Ang nasabing iligal na droga ay tumitimbang ng halos isang kilo at nagkakahalaga ng 5.2 milyong piso. Samantala, pinag-aaralan na ng pulisya ang angulong may pagkakaugnay-ugnay ang tatlong kahon ng iligal na droga dahil sa magkakasunod na pagkakarekober sa mga ito.

Ang mga nasabi ring iligal na droga ay halos magkakapareho ng timbang, ayos, at halaga, bukod pa sa ang mga ito ay pare-pareho ring narekober sa mga baybayin ng Camarines Norte.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *