Brutal na pinaslang ang isang PDEA Agent na nakabase sa Camarines Norte matapos itong mapabalitang nawawala noong Lunes, Pebrero 18, 2019. Ang nasabing agent umano ay napaulat na nawala matapos nitong makipagkita sa isang informant na may kinalaman umano sa mga operasyon ng droga sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Batay sa hitsura ng bangkay ni Enrico Barba, intelligence officer II ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ng Camarines Norte, ito ay brutal na pinatay matapos ang mga malalalim na sugat nitong tinamo sa ulo. Ang nasabi ring PDEA agent ay halos hindi na makilala dahil sa sobrang lala ng mga tama nito sa mukha.
Ayon sa PNP report, isang concerned citizen ang nagbigay impormasyon sa kanila na isa umanong bangkay ang natagpuan sa tabi ng National Highway sa Barangay Napolidan, Lupi, Camarines Sur. Ang nasabi pa umanong katawan ay natagpuang may nakataling duct tape sa kamay, may suot na brown jacket at green tshirt, naka puting shorts at nababalot ng tape ang bibig.
Halos hindi na makilala ang mukha ng nasabing biktima dahil sa lala ng mga sugat nitong tinamo sa ulo. Photo from Reynold Villania.
Nakuha sa crime scene ang isang bala ng 9mm pistol at isang deformed bullet na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa biktima. Samantala, kinundena naman ng PDEA Bicol ang marahas na pagpaslang kay Barba na isa umanong matapat na kasapi ng ahensya at mabuting ama sa kanyang pamilya.
Tinawag rin ng PDEA na isang kaduwagan ang pagpaslang kay Barba at nangakong hindi ititigil ang imbestigasyon hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pinaslang nilang kasamahan.
*photo courtesy of Reynold Villania
Orlando Encinares
with reports from Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News