Pebrero 22, 2019, Daet, Camarines Norte. Nasasangkot ngayon sa isyung paglabag sa Republic Act 10932 o Anti-Hospital Deposit Law ang Our Lady of Lourdes Hospital sa bayan ng Daet matapos na pormal na makatanggap ang DOH (Department of Health) Region 5 ng isang reklamo tungkol dito.
Ayon sa complainant na si Edwin Datan Jr., nilabag umano ng nasabing ospital ang batas matapos umano sila nitong hingan ng iba’t ibang mga downpayment kahit na nga nasa kritikal na umanong kalagayan ang kanyang ina na noon ay isinugod sa nasabing ospital dahil sa sakit na stroke.
Ilan umano sa mga hinihingi sakanila noon ay ang downpayment na 20,000 piso bago ma-admit sa ICU, 4,800 piso bago isagawa ang isang eksaminasyon, at 60,000 piso naman para isagawa ang brain surgery na isa sa mga kinakailangan ng kanyang nag-aagaw buhay na ina.
Nakiusap umano si Datan na ituloy ang operasyon ngunit hindi umano ito pinahintulutan ng ospital hangga’t wala pang kaukulang downpayment. Dahil dito ay naglabas ng saloobin si Datan sa social media tungkol sa naging pagtrato ng nasabing ospital sa kanila, matapos mag viral at umani ng samu’t saring komento sa publiko ay saka lamang pinayagang maoperahan ang kanyang ina.
Bagama’t naoperahan na, kalaunan ay binawian rin ng buhay ang ina ng complainant. Dahil dito, ay desidido umano ang kanilang pamilya na ituloy ang reklamo dahil sa hindi umano makatarungang pagtrato ng ospital sakanila, isang bagay na maari pa sanang nagdugtong sa buhay ng kanyang ina.
Ang sulat ng DOH Bicol sa Our Lady of Lourdes Hospital upang pagpapaliwanagin sila sa isyung paglabag sa RA 10932.
Sa ngayon ay binigyan na ng taning na sampung (10) araw ng DOH Bicol ang Our Lady of Lourdes Hospital upang magpaliwanag sa nasabing isyu. Samantala, malinaw na nakasaad sa artikulo uno ng RA 10932 o Anti Hospital Deposit Law na walang sinumang ospital o health facility ang dapat humingi ng bayad bago isagawa ang isang operasyon o serbisyo sa oras na kinakailangan ito ng isang pasyente upang mapigilan ang pagkamatay o disability nito.
Camarines Norte News