Marso 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Pormal nang nagtapos ngayong araw ang Palarong Bicol 2019 sa lalawigan ng Masbate matapos ang isang linggo ng umaatikabong tagisan ng lakas sa pagitan ng mga manlalaro’t delegasyon mula sa iba’t ibang lalawigan ng kabikulan.
Base sa final na tally ng Palaro, muling tinanghal na Overall Champion ang delegasyon ng Camarines Sur matapos nitong magkamit ng 105 gold, 78 silver, at 82 bronze medals. Nakakabilib namang nagtapos sa ikalawang pwesto ang lungsod ng Naga na siyang tanging siyudad na nakapasok sa top 5 ng Overall tally. Nagkamit ng 69 gold, 49 silver, at 61 bronze medals ang nasabing delegasyon upang daigin ang iba pang mas malalaking provincial delegations.
Pumangatlo sa ranking ang lalawigan ng Albay matapos nitong magkamit ng 46 gold, 52 silver, at 75 bronze medals. Ang host province naman na Masbate ay nagtapos sa ikaapat na pwesto matapos nitong bitbitin ang 41 gold, 33 silver, at 41 bronze medals. Kukumpleto naman sa top 5 ang delegasyon ng Camarines Norte matapos nitong maiuwi ang 30 gold, 54 silver, at 54 bronze medals sa nasabing kumpetisyon.
Samantala, narito naman ang ranking ng iba pang mga delegasyon:
(6) Ligao city, (7) Legazpi city, (8) Sorsogon Province, (9) Tabaco city, (10) Iriga city, (11) Catanduanes, (12) Masbate city, (13) Sorsogon city.