photo from Naga Smiles to the World
Marso 16, 2019, Daet, Camarines Norte. Tapos na ang mga maliligayang araw ng mga estudyante at gurong mahilig gumamit ng cellphone at kung ano ano pang gadgets sa loob ng kanilang mga classrooms sa lungsod ng Naga matapos lagdaan ni Naga city Mayor John Bongat ang isang resolusyong nagbabawal sa paggamit ng mga ito sa oras ng klase.
Nakasaad sa Executive Order No. 2019-010 na pinirmahan kahapon ang paghimok sa mga school administrators at mga principal na ipagbawal ang mga electronic gadgets sa loob ng oras ng pag-aaral. Nakasaad rin na pwede lamang gumamit ng mga gadgets at cellphones kung ito ay kinakailangan lamang sa klase (academic reasons).
Matatandaan na ang paggamit ng gadget habang nasa loob ng silid aralan ay nakababawas ng konsentrasyon ng mga mag-aaral sa kanilang mga subject, dahilan upang humina ang kanilang academic performance. Ang adiksyon rin sa iba’t ibang laro sa mga cellphones at computers ay ang siyang nagiging dahilan ng pagloloko ng ilang mga bata sa pag-aaral, bukod pa sa nakababawas ito ng pagiging produktibo sa iba’t ibang mga gawaing pampaaralan.
Samantala, positibo naman ang pagtanggap ng ilang mga guro sa nasabing kautusan dahil sa ang ilan sa mga ito ay matagal nang ginagawa ang pagbabawal ng mga gadget sa loob ng silid aralan.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News