Marso 30, 2019, Daet, Camarines Norte. Papanagutin sa ilalim ng batas, yan ang nais mangyari ng kampo ni Gobernador Edgardo Tallado sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng video ng paguusap nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang emergency meeting na pinatawag nito sa Camarines Sur. Ang nasabing meeting ay kaugnay ng pananalanta ni bagyong Usman sa kabikulan kung saan ito ay dinaluhan ng iba’t ibang local and national government officials.
Laman ng nasabing pekeng video ang pagpapahiya umano ni Pangulong Duterte sa gobernador matapos tanungin umano siya nito tungkol sa kanyang paraan ng pamumuhay. Sa nasabing video ay wari umanong sinisisi ng Pangulo ang gobernador sa mga nagyayaring masama sa kanyang lalawigan. Ang nasabing video ay mabilis na kumalat at naging viral sa buong lalawigan, dahilan upang masira umano nito ang pangalan ng gobernador.
Kaugnay nito ay nagsampa na ng kasong paglabag sa Cybercrime Libel ang kampo ni Tallado laban kina Beatriz Gonzales at Rommel Fenix na siya umanong nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng video. Samantala, naglabas na rin ng subpoena o kautusan ng pagpapatawag ang NBI (National Bureau of Investigation) para sa mga nabanggit na indibidwal upang ipresenta ng mga ito ang kanilang panig.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News