Abril 1, 2019, Daet, Camarines Norte. Binigyan na ng taning ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga graduate ng old high school curriculum upang makapag-enroll sa kolehiyo. Ito ay alinsunod na rin sa existing memorandum ng ahensya noong 2017 na kung saan idinidetalye dito ang proseso ng admission sa kolehiyo ng mga graduate ng lumang curriculum.
Ayon sa nasabing memorandum na nilagdaan pa ng dating Chairman ng CHED na si Patricia Licuanan, ang paparating na school year 2019-2020 na lamang ang huling pagkakataon upang makapag-enroll sa undergraduate programs ang mga nagtapos sa ilalim pa ng lumang basic education curriculum.
Bagama’t pwede pang mag-enroll ngayong taon ang mga nasabing graduates, maari pa rin umanong maglatag ng kaukulang bridging programs ang mga kolehiyo’t unibersidad upang maaccomodate ang mga ito, sa kadahilanang upgraded na rin ang karamihan sa mga college curriculum bunsod ng K-12 program.
Samantala, ang mga hindi naman aabot sa enrollment ngayong taon ay kinakailangan nang dumaan muli sa Senior High School upang maadmit sa isang kolehiyo o unibersidad.
Para sa karagdagan pang impormasyon maaring magtungo o imessage ang facebook page ng CHED sa https://www.facebook.com/CHED-scholars-315699425882810/ o kaya nama’y bisitahin ang kanilang website sa www.ched.gov.ph
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News