Abril 3, 2019, Daet, Camarines Norte. Tinawag na walang katuturan at “anti-probinsyano” ni Albay 2nd district representative Joey Salceda ang panukala ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) na alisin na ang mga provincial buses na dumadaan sa EDSA. Ito ay dahilan ng sa di umano’y panggigipit ng nabanggit na ahensya sa mga provincial buses sa kamaynilaan.
Ayon sa nasabing panukala, simula Hunyo ay ipagbabawal na ang pagdaan ng mga provincial buses sa nasabing kalsada, bagkus ay ililipat ang mga ito sa mas malayong terminal. Ang mga bus na manggagaling sa norte ay ilalagay na sa isang terminal sa Valenzuela city habang ang mga bus naman mula sa timog ay ilalagay na sa isang terminal sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon sa kongresista, ang panukala ay isang malaking kawalan sa ekonomiya, pwera pa sa ito’y isang pahirap sa mga mananakay mula probinsya. Binanggit rin ni Salceda na sa 2.8 milyong sasakyang dumadaan sa EDSA ay tanging apat na libo (4,000) lamang dito ang mga provincial buses, kung kaya’t malinaw umano na hindi ang mga bus ang nagdudulot ng trapik sa kamaynilaan kundi ang mga pribadong sasakyan.
Binatikos rin niya ang umano’y kawalan ng prayoridad para sa pampublikong transportasyon at sinabing malayong malayo ito sa sitwasyon ng mga mauunlad na bansa na siyang nagbibigay ng mas malaking importansya sa pampublikong transportasyon kaysa sa mga pampribado.
Samantala, bukod kay Salceda ay nauna na ring kinwestyon ng mga kongresista ng AKO Bicol Partylist ang nasabing panukala sa kongreso.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News