Mayo 11, 2019, Daet, Camarines Norte. Nagpalabas ng Status Quo Ante Order ang Kataas-taasang hukuman laban sa naging desisyon ng COMELEC (Commission on Elections) na i-disqualify ang kandidatura ni Camarines Norte Governor Edgardo A. Tallado. Matatandaan na noong Mayo 9, 2019 ay nagpalabas ng desisyon ang COMELEC En Banc na pumapabor sa naunang desisyon ng COMELEC 1st Division na i-disqualify ang kandidatura ng nasabing gobernador.
Ang “Status Quo Ante” ay isang latin phrase na nangangahulugang “the way things were before”. Ibig sabihin, sa kautusang ito ay ibinabalik ng Korte Suprema ang orihinal na estado ni Gobernador Tallado bilang isang kandidato bago pa man ito iprotesta at mabigyan ng desisyon ng COMELEC.
Dahilan nito, hindi magiging Final and Executory ang desisyon ng COMELEC at mananatiling qualified ang nasabing gobernador na tumakbo sa darating na halalan sa lunes.
Ang nasabing Status Quo Ante order ay ipinalabas matapos na makakita ng reasonable basis ang Korte Suprema na ihinto ang nauna nang disqualification decision ng COMELEC laban kay Tallado. Ang Status Quo Ante Order ay magiging epektibo hanggang sa hindi ito binabawi ng Korte Suprema.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News