Mayo 13, 2019, Daet, Camarines Norte. Arestado ang isang pulis matapos ireport ng isang media personnel ang panghaharass at pagtatangka nito sa kanyang buhay mga bandang 10:40 pm kagabi sa Brgy. Poblacion 1, Basud, Camarines Norte.
Kinilala ang nagreport na si Donde Consuelo, isang radio broadcaster ng Brigada News Fm sa bayan ng Daet. Ayon sa salaysay ni Consuelo, nasa loob siya ng isang sasakyan ng kanyang makita sa side mirror ang isang lalake na may hawak na baril. Ayon pa sa biktima, kinasa pa ng suspek ang baril nito upang takutin umano siya.
Dahil rito ay agad na nagsumbong sa pulisya ang biktima upang ireport ang nasabing insidente. Agad namang umaksyon ang mga tauhan ng Basud Municipal Police Station at Camarines Norte Police Provincial Office upang hanapin ang suspek.
Dahilan nito ay naaresto sa pursuit operation ng mga otoridad si Zaldy Benamira, isang pulis na nakaassign sa Jose Panganiban Municipal Station. Nakuha sa pag-aari nito ang isang kalibre kwarenta y’ singko na baril pati na rin ang sasakyang minamaneho nito nang ito ay maaresto.
Ang nasabing suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya upang harapin ang kasong Grave Threat at paglabag sa gun ban ng Election Omnibus Code. Iniimbestigahan rin ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika ang nasabing insidente dahilan sa napag-alaman na ang suspek ay bodyguard ng isang kilalang kandidato sa pagka-gobernador sa lalawigan.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News