Pampasaherong Jeep Sa Albay Nahulog Sa Bangin, Siyam Patay, Labinglima Sugatan!

Pampasaherong Jeep Sa Albay Nahulog Sa Bangin, Siyam Patay, Labinglima Sugatan!

Mayo 21, 2019, Daet, Camarines Norte. Siyam ang kumpirmadong patay at hindi bababa sa labinglima ang sugatan matapos mahulog ang isang pampasaherong jeep sa isang bangin sa Sitio Hulandig, San Jose, Libon, Albay mga bandang alas tres kaninang hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng mga otoridad, tinatayang nasa tatlumpung katao ang sakay ng nasabing jeep habang binabagtas ang daan papuntang Poblacion ng Libon, Albay. Nang makarating ang jeep sa isang kurbadang daanan sa barangay San Jose ng nabanggit na bayan ay bigla umano itong nawalan ng preno na siyang nagresulta sa pagkahulog nito sa isang bangin.

Aabot sa isang daan at limampu’t siyam na talampakan (159 feet) ang kabuuang taas ng bangin kung kaya’t ito’y nagresulta sa agarang pagkamatay ng ilan nitong mga sakay. Sa ngayon ay patuloy pang ginagamot ang mga nasabing sugatan sa ospital.

Samantala, kasalukuyan namang hinahanap ang driver ng nasabing jeep matapos itong tumakas sa pinangyarihan ng aksidente. Hanggang sa ngayon ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima ng malagim na trahedya.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published.