Mayo 28, 2019, Daet, Camarines Norte. Aabot sa tatlumpu’t siyam (39) na bloke/kilo ng cocaine ang narekober ng mga mangingisda sa karagatan ng Barangay Bagacay, Gubat, Sorsogon bandang alas dose ng tanghali kahapon ng Mayo 27, 2019. Ang mga nasabing bloke ay nakapaloob sa labindalawang (12) kahon at nagkakahalaga ng 218.4 milyong piso sa kabuuan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sa nabanggit na oras ay natagpuan ng mga mangingisdang sina Melvin Gregorio, Loubert Ergina, at John Mark Nabong ang mga bloke ng cocaine na nagpapalutang-lutang sa dagat. Agad namang inireport ng mga nasabing indibidwal ang kanilang mga narekober na droga sa pulisya at agad na nakumpirma na ito nga ay cocaine.
Hindi ito ang unang beses ngayong taon na may narekober na cocaine sa mga karagatan ng kabikulan. Matatandaan na nitong buwan ng Pebrero ay tatlong bloke naman ng cocaine ang narekober sa mga karagatan ng Camarines Norte. Maging sa mga karagatan ng Quezon at mga Eastern Seaboards ng bansa ay may mga nauna na ring narekober na mga lumulutang na cocaine.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na pinanggagalingan ng mga drogang nagpapalutang lutang sa mga karagatan ng Pilipinas.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News