Hunyo 12, 2019, Daet, Camarines Norte. Mula sa mga makaluma at tradisyunal na tricycle ay pumapatok ngayon sa kabikulan ang mga makabagong Grab Trike at mga E-tricycles. Ito ay matapos pumutok ang balita na planong ilunsad ngayon sa lungsod ng Legazpi ang pagsisimula ng operasyon ng Grab Trike.
Sa sistema ng Grab Trike, hindi na kailangan pang makipagsapalaran ang mga pasahero sa paghihintay ng mga tricycle, bagkus kinakailangan lang nilang mag-book ng kanilang biyahe gamit ang isang mobile application upang mabilis na makasakay.
Sa nasabing sistema rin ng transportasyon ay matitiyak mo na tama ang sinisingil na pamasahe dahil sa ito ay nakaindicate sa iyong ginagamit na application. Mas tiyak rin umano ang kaligtasan ng mga pasahero dahil pwede mong malaman ang identification ng driver ng iyong sinasakyang Grab Trike.
Ang pagsisimula ng operasyon ng nasabing uri ng transportasyon ay lubha umanong makatutulong sa pag-usbong ng turismo partikular sa mga pinakamalalaking lungsod at bayan sa kabikulan.
Matatandaan na nitong 2018 ay nauna nang inilunsad sa lungsod ng Naga ang Grab Taxi at Grab Trike. Dahil sa mabilis na pag-unlad ng mga lungsod at bayan sa kabikulan ay maaring asahan sa mga susunod na buwan o taon ang paglitaw ng iba’t ibang uri ng modernong transportasyon tulad ng E-Jeepneys, Grab Car at Taxi, Angkas, at marami pang iba.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News