June 22, 2019 Daet, Camarines Norte – Ika-21 ng Hunyo, 2019 nang gumawad ang Munisipyo ng Daet sa 3 nitong mamayan ng parangal na Dangal ng Daet at sa 8 kababaihang Daeteño na Oustanding Young Women Professionals sa Daet Heritage Center.
Kinilala sina Roxette Raya Y. Tanzo, National Outstanding Girl Scout 2017 awardee; Maria Flora T. Pandes, Assistant Schools Division Superintendent ng DepEd Camarines Norte; at Dr. Arnulfo M. Balane, Assistant Regional Director ng DepEd Region II na mga Dangal ng Daet dahil sa kanilang pagpakita ng kahusayan sa kanilang mga larangan at pagtataguyod ng kakayanan ng mga taga-Daet sa pambansa at pandaigdigang antas.
Samantala, sina Rachel Monique P. Ajero, Rhodaviv V. Avila, SB Corazon Y. Bacerdo, Emerlyn P. Dormitorio, Jasmin Abad Ignacio, Ria P. Morales, Julie Fe B. Pato, at Cherrie De Luna Salcedo ang mga naparangalan ng Oustanding Young Women Professionals bilang pagkilala sa kanilang abilidad, mga kontribusyon sa komunidad, at mga ehemplo para sa mga kababaihan at kabataan.
Ang paggawad ng mga parangal na ito ay naaayon sa Municipal Ordinance No. 172-2009 na akda ni Kgd. Corazon Yuzon Bacerdo. Bilang namumuno ng Committee on Women, Family, and Children ikinagagalak niyang naisakatuparan na ang inakda niyang ordinansa noon pang 2009. Sa mga talumpating pagtanggap ng mga ginawaran ng parangal, lahat ay nagpasalamat at pinuri ang Munisipyo ng Daet sa pangunguna ng alkalde ng Daet na si Benito S. Ochoa sa pagsulong ng mga programang kumikilala sa mga pagsusumikap sa ikauunlad ng ating komunidad.
Dumalo sa seremonya ng pagpaparangal sina Mayor Benito S. Ochoa, Kgd. Corazon Yuzon-Bacerdo pati na rin ang mga kapamilya at malalapit na kaibigan ng mga hinirang.
Marianne Guinto
Camarines Norte News