
Hunyo 22, 2019, Daet, Camarines Norte. Lusot na sa wakas sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang House Bill no. 8800 na naglalayong gawing Unibersidad ang Camarines Norte State College (CNSC) sa lalawigan.
Sa facebook post ni Camarines Norte 2nd District Representative Marisol “Toots” Panotes, masaya nitong ibinahagi sa kanyang mga kababayan ang kopya ng sulat mula kay Senate Majority Floor Leader Jose Miguel Zubiri tungkol sa pagkakapasa ng nasabing House Bill sa Senado.

Ang mga may akda ng nasabing bill ay ang dalawang kinatawan ng Camarines Norte na sina Cong. Renato Unico Jr. at Cong. Marisol Panotes. Principal Sponsor naman sa Senado si Senator Francis “Chiz” Escudero na isa ring bikolano.
Dahil sa pagkakapasa ng nasabing panukalang batas, pirma na lang ng Pangulo ang hihintayin kasabay ng approval ng Commission on Higher Education (under R.A. 8292) para tuluyang maging ganap na Unibersidad ang Camarines Norte State College (CNSC).
Ang CNSC ay ang nag-iisang State College at pinakamalaking Tertiary Educational Institution sa lalawigan ng Camarines Norte. Ang pagiging Unibersidad ng nasabing paaralan ay tiyak na mas magpapalago pa ng antas ng edukasyon sa buong lalawigan.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News