PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG CAMARINES NORTE PLANONG KASUHAN ANG PAMUNUAN NG CANORECO DAHIL SA UMANO’Y PALPAK NITONG SERBISYO!

Huny0 28. 2019, Daet, Camarines Norte. Katulad ng mga mamamayan ay hindi na rin makapagtimpi pa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa umano’y palpak na serbisyo ng CANORECO (Camarines Norte Electric Cooperative).

Ito ay matapos ihayag ni Gobernador Edgardo Tallado sa kanyang talumpati ang kanilang inihahandang kaso laban sa mga Board of Directors at General Manager ng nasabing electric cooperative. Kaugnay rin nito ay inutusan ni Tallado ang opisina ng Provincial Prosecutor sa Camarines Norte upang paghandaan ang nasabing kasong isasampa sa CANORECO.

Ayon sa Gobernador, malaki na umano ang perwisyong naidudulot ng mga madalas na biglaang brownout at patay sinding daloy ng kuryente sa buong lalawigan ng Camarines Norte. Bukod sa mga indibidwal na gamit na nasisira sa mga kabahayan ay lubhang apektado na rin umano ng madalas na brownout ang kondisyon ng mga gamit sa mga government facilities sa lalawigan tulad ng Provincial Hospital.

Dagdag pa ng gobernador, ugat umano ng problema ay ang depektibong 69 KV transmission line na binili ng electric cooperative noong taong 2012. Pagbubunyag ng gobernador, bukod umano sa second hand ay overpriced pa umano ito kung kaya’t kinakailangang managot ang mga sangkot sa pagbili ng nasabing depektibong transmission line.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati ay hinikayat ng gobernador ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno at maging ang mga simpleng mamamayan ng lalawigan na makiisa sa gagawin nilang laban upang mapanagot ang CANORECO sa umano’y hindi magandang serbisyong ibinibigay nito sa Camarines Norte.

Sa kasalukyan ay wala pang ipinapalabas na pahayag ang pamunuan ng CANORECO tungkol sa kasong isasampa sa kanila ng Pamahalaang Panlalawigan.

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *