Hunyo 30, 2019, Daet, Camarines Norte. Aabot sa limampu’t limang porsiyento (55%) ang itinaas ng kaso ng Dengue sa buong rehiyon ng kabikulan simula Enero 1 hanggang Hunyo 22 ng kasalukuyang taon kumpara sa kaparehong quarter ng taong 2018, iyan ay ayon sa ulat ng Department of Health Regional Office V.
Ayon sa nabanggit na report, umabot sa kabuuang 1,828 na kaso ng Dengue ang naitala sa buong rehiyon na kung saan 22 sa mga ito ay nauwi sa pagkasawi ng ilang indibidwal.
Pinakamataas sa buong rehiyon ang probinsya ng Camarines Sur na nagtala ng 876 dengue cases, pangalawa ang Albay na may 321 cases, Sorsogon sa 291 cases, Masbate (131), Camarines Norte (126), at Catanduanes (81).
Kaugnay ng nakakaalarmang datos na ito ay inaabisuhan ng Department of Health Bicol ang mga residente sa rehiyon na maging maingat at mapagmatyag sa anumang posibleng sintomas ng dengue sa sinumang indibidwal.
Ilan sa mga sintomas ng nabanggit na sakit ay ang mataas na lagnat na tumatagal ng 2-7 araw, pananakit ng ulo, kalamnan at kasu-kasuan, pagkahilo at pagsusuka, kawalan ng ganang kumain at ang pamamantal ng balat o rashes.
Samantala, hinihimok rin ng ahensya ang mga mamamayan na puksain ang mga pinamumugaran ng mga lamok sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News