Hulyo 13, 2019, Daet, Camarines Norte. Sa kauna-unahang pagkakataon ay itinalaga ang isang Asyano sa katauhan ng Daetenyong si Fr. Gerard Timoner III upang mamuno sa isa sa mga pinakamatanda at pinakamalaking grupo ng mga katolikong pari,madre, misyonero, at layko sa buong mundo, ang Dominican Order/Order of Preachers.
Si Timoner ay itinalaga bilang ika-88 na Master of the Order of Preachers matapos ang pagpupulong ng nabanggit na grupo sa bansang Vietnam.
Pamumunuan ni Timoner ang mahigit sa limang libong Dominikano sa buong mundo sa loob ng kanyang siyam na taon na termino.
Itinatag ni St. Dominic De Guzman noong taong 1216, kilala ang mga Dominikano sa kanilang pangangaral at pagtuturo ng ebanghelyo sa iba’t ibang panig ng mundo. Sila rin ay tanyag sa kanilang pagmamahal sa teolohiya, pilosopiya at edukasyon.
Ang mga Dominikano rin ay kabilang sa mga misyonerong ipinadala sa Pilipinas upang ipalaganap ang Kristyanismo sa mga Pilipino. Dahil dito, maraming mga simbahan at paaralan sa bansa ang itinatag ng mga Dominikano, kabilang na rito ang Unibersidad ng Santo Tomas (UST) sa Maynila.
Si Fr. Gerard Timoner III ay ipinanganak sa bayan ng Daet, Camarines Norte at nagtapos ng kursong Pilosopiya sa Philippine Dominican Center of International Studies at Teolohiya sa University of Santo Tomas.
Si Fr. Timoner ay nagtapos rin ng licentiate in sacred theology mula sa Catholic University of Nijmegen sa bansang Netherlands noong taong 2014.
Bago mahalal bilang pinuno ng Dominican Order, si Timoner ay kabilang sa mga pinili ng Santo Papa upang maging miyembro ng International Theological Commission, isang komisyon na may kinalaman sa pag-aaral ng mga Katolikong Doktrina.
Siya rin ay nagsilbi bilang Vice Rector for Religious Affairs at Rector ng UST Central Seminary mula taong 2007 hanggang 2012.
Ang pagkakahalal kay Fr. Timoner bilang kauna-unahang Asyanong Master of the Order of the Preacher ay maituturing na isang kasaysayan sa pananampalatayang Romano Katoliko sa buong mundo.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News