KASO NG DENGUE SA CAMARINES NORTE NGAYONG 2019 PUMALO NA SA 144!

KASO NG DENGUE SA CAMARINES NORTE NGAYONG 2019 PUMALO NA SA 144!

Agosto 10, 2019, Daet, Camarines Norte. Pumalo na sa 144 ang naitalang kaso ng Dengue sa lalawigan ng Camarines Norte simula nang pumasok ang taong 2019, ito ay ayon na rin sa ipinalabas na datos ng Department of Health Bicol kasunod nga ng pagdedeklara ng nabanggit na ahensya ng National Epidemic status ng sakit na Dengue sa buong bansa.

Sa 144 na kaso ng Dengue sa lalawigan ay dalawa na ang naitalang namatay. Nangunguna ang bayan ng Daet sa may pinakamaraming kaso ng Dengue sa lalawigan na aabot na sa 35, pangalawa ang Basud na nagtala ng 18 na kaso, sunod ang Mercedes na may 17 kaso, Jose Panganiban (14), Labo (13), Vinzons (13), Talisay (12), Paracale (10), Santa Elena (5), San Lorenzo Ruiz (3), Capalonga (2), at San Vicente (2).

Ang dalawang nasawing indibidwal dahil sa Dengue ay nagmula sa mga bayan ng Mercedes at Jose Panganiban. Dahil sa malawakang epidemya ng Dengue sa buong bansa, pinag-iingat ang publiko sa mga lamok na posibleng magdulot ng nabanggit na sakit.

Nag-paalala naman ang DOH na palaging isagawa ang 4s method upang mapuksa ang Dengue sa ating mga lugar. Ang 4S ay Sirain at suyurin ang pinamumugaran ng lamok; Sarili ay protektahan laban sa lamok; Sumangguni agad sa pagamutan kapag may sintomas ng dengue; at Suportahan ang fogging kapag may banta ng outbreak.

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *