Agosto 19, 2019, Daet, Camarines Norte – Tinututukan ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Daet ang mga napapaulat ng kaso ng Dengue sa bayan kung saan limang barangay ang may naitalang mataas na bilang ng mga biktima ng naturang virus.
Sa ginanap na 31st Regular Session ng Sangguniang Bayan ng Daet ngayong araw, ipinaabot ni Councilor Ma. Eliza H. Llovit – SB Committee Chairman on Health ang ulat ng Municipal Health Office (MHO) sa nakatalikod na En Banc Session na ginanap nitong biyernes, Agosto 16, 2019.
Aniya, base sa report ng MHO sa pamumuno ni Dr. Noel Delos Santos, naitala ang pinakamataas na bilang mga kaso ng dengue sa sumusunod na limang Barangay; Borabod, Camambugan, Gubat, Lag-on at Alawihao. Mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan ay mayroon na umanong naitalang 280 probable cases ng naturang sakit sa bayan ng Daet kung saan 36 mula dito ang kumpirmado.
Dahil sa taas ng bilang ng hindi kumpirmadong kaso nito probable cases na karaniwang nakatala sa mga pampribadong ospital, isinusulong ngayon ni Konsehal Llovit ang isang ordinansa na naglalayong magkaroon ng access ang publiko lalo na ang mga Rural Health Unit sa mga impormasyon mula sa mga pribadong ospital ukol sa mga kaso ng dengue at iba pang epidemya na nakatala sa mga ito nang sa gayon ay malaman kung mayroon nang outbreak sa lugar upang agad itong maaksiyunan base na rin sa umiiral nang batas na RA 11332 o mas kilala bilang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.
Sa kabila nito ay patuloy pa rin umano ang pagsasagawa ng mga preventive measures upang mapigilan ang pagdami pa ng biktima ng nasabing virus tulad ng pagpapausok sa mga paaralang at iba pang pambublikong lugar gamit ang sprayer mula sa Department of Health (DOH), pagpapahusay ng 4S Strategy, pagbuhay muli sa mga Brgy. Dengue Task Force at mas pinaigting ng pagpapalaganap ng kaalaman ukol sa dengue at kung paano ito malalabanan sa mga kabahayan at paaralan.
Bukod pa dito ay nagbaba din umano si Mayor Benito “B2K” Ochoa ng isang memorandum na nag uutos ng pagsasagawa ng clean-up drive tuwing sabado at pagpapatuloy ng 4 o’clock habit.
Bilang pagtupad dito ay nakatakda ding magsagawa ng clean up drive sa compound ng munisipyo ng Daet ang mga kawani nito sa pangunguna ng Sangguniang Bayan.
Camarines Norte News