MGA OPISYAL NG CANORECO AT PRIME WATER, HINDI SUMIPOT SA PATAWAG NG SANGGUNIANG BAYAN NG DAET!

Agosto 19, 2019, Daet, Camarines Norte – Bigo ang Sangguniang Bayan ng Daet na marinig ang panig ng pamunuan ng CANORECO at Prime Water matapos hindi sumipot ang mga opisyal nito sa patawag ng konseho ngayong araw kasabay ng ginanap na ika – 31 regular na sesyon.

Napag alaman na sa pangalawang pagkakataon ay hiniling ng 18th council ang pagdalo sa sesyon ni CANORECO General Manager Zandro R. Gestiada at Board President  Edwin H. Lamadrid upang ipaabot ang estado ng serbisyo ng nasambit na opisina sa mga konsumidores sa lalawigan partikular na sa bayan ng Daet subalit hindi dumating ang mga ito sa naturang sesyon.

Samantala, bigo ring makarating si Prime Water Camarines Norte Branch Manager Mark Anthony F. Muroda na nagpadala ng liham na nagsasabing sa kasalukuyan ay nasa central office ito sa kamaynilaan para sa isang opisyal na lakad. Nais umano nitong magpadala ng kinatawan subalit nanindigan ang konseho na dapat ay ang mga naturang opisyal ang dumalo upang mas malinaw na maipaabot ang mga impormasyon at masagot ang kanilang mga katanungan.

Magugunitang kamakailan lamang ay inulan ng kabi-kabilang batikos ang Prime Water dahilan sa hindi magandang serbisyong natanggap ng mga konsumidores sa bayan ng Daet maging sa buong lalawigan. Nais ng konseho na marinig mula sa mismong opisyal ang paliwanag sa likod ng paghina hanggang sa pagkawala ng serbisyo ng tubig sa ibat ibang lugar gayundin ang iba pang usapin tulad na lamang ng mga ginagawang paghuhukay ng kanilang mga personel sa ilang lugar sa bayan lalung lalo na sa mga kalsadang madalas na daanan ng mga motorista.

Gayunpaman, umaasa pa rin ang konseho na positibong tugon at pagdalo ng mga nasambit na opisyal sa susunod na pagdaraos ng regular na sesyon upang maipaabot rin sa mga Daeteño ang panig ng mga ito ukol sa kanilang mga serbisyo.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *