UNEMPLOYMENT O INVOLUNTARY SEPARATION BENEFIT NG SSS, PWEDE NANG MAKUHA NG MGA MIYEMBRONG NAWALAN NG TRABAHO!

Agosto 21, 2019, Daet, Camarines Norte – Pwede nang makakuha ng unemployment involuntary separation benefit ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na nawalan o natanggal sa kanilang trabaho.

Ayon sa ulat ng Philippine Information Agency,  sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio na ang kwalipikadong miyembro ay maaring mapagkalooban ng cash benefit na katumbas ng kalahati ng kaniyang average monthly salary credit nang hanggang sa dalawang buwan.

Base rin sa SSS Circular No. 2019-011 na ibinaba kamakailan lamang ngayong buwan, sakop ng naturang benepisyo ang mga kwalipikadong miyembro na may edad na hindi lalampas sa animnapu (60) sa panahon na sila ay natanggal sa trabaho. Samantala, para sa mga miyembrong minero naman at mga racehorse jockey ay hindi dapat lalampas sa edad limampu at limamput lima.

Bukod pa dito, dapat ay nakapagbayad ang miyembro ng hindi bababa sa 36 monthly contributions kung saan ang 12 na buwan dito ay nabayaran sa loob ng 18-month period bago ang buwan kung kalian natanggal ang miyembro sa trabaho.

Dapat din umano na wala pang nai-settle na parehong benepisyo ang miyembro sa loob ng tatlong taon bago ito maalis sa trabaho.

Layunin ng nasambit na benepisyo na mabigyan ang mga miyembrong nawalan ng trabaho ng pansamantalang mapagkukunan ng kabuhayan o panggastos habang naghahanap ng panibagong mapapasukan.

Nilinaw naman ng SSS na magiging kwalipikado lamang ang para sa nasabing benepisyo ang miyembro kung ito ay hindi inaasahang natanggal sa trabaho at kung ang rason sa pagkakatanggal ay hindi dahil sa kapabayaan nito sa pag ganap sa tungkulin o iba pang atraso sa kumpanyang pinagtrabahuhan nito.

Maaaring magtungo ang mga interesado o kwalipikadong miyembro sa alinmang branch ng SSS upang malaman ang mga documentary requirements na kailangang ipasa upang ma avail ang kanilang unemployment benefit.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *