
Setyembre 2, 2019, Daet, Camarines Norte – Wala pang tugon mula sa Board of Directors ng CNWD/Prime Water ang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan ukol sa pagpapawalang bisa ng minimum billing policy bagkus ay singilin na lamang ang aktwal o eksaktong halaga ng nakunsumong tubig.
Ito ang naging pahayag ni Prime Water Branch Manager Mark Anthony Muroda II sa katanungan ni Konsehal Ma. Eliza H. Llovit ukol sa estado ng nasambit na resolusyon.
Ngayong araw ay humarap sa ika-33 regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet si Muroda upang magbigay ng update sa estado ng mga proyektong isinasagawa, gagawin at mga naisakatuparan ng ng Prime Water tatlong taon matapos ang JVA.



Dito ay sinagot ni Moruda ang mga katanungan ng konseho kabilang na nga ang katanungan ni Konsehal Llovit tungkol sa tugon ng Prime Water sa resolusyon ng SP na marami ang naghihintay partikular na ang mga ordinaryong konsesyunaryo na halos hindi naaabot ng serbisyo ng tubig subalit patuloy na nagpapasan ng minimum bill na Php 202.00.
Ayon kay Muroda, nakarating na sa BOD ang nasabmbit na resolusyon subalit pinag aaralan pa umano ito at wala pang ibinababang desisyon.
Magugunitang nitong nakatalikod na Agosto 21, taong kasalukuyan ay ipinasa ni Bokal Mike Canlas ang nasambit na resolusyon sa layuning matulungan ang mga konsesyunaryo na mabawasan ang kaniang mga bayarin partikular na ang mga nasa lugar na halos hindi naman naaabot ng serbisyo ng tubig at hindi umaabot sa minimum rate ang nakokonsumong tubig.
Bukod pa dito, bumuhos din kamakailan ang reklamo ukol sa paghina hanggang sa pagkawala ng serbisyo maging sa mga lugar na dati namang naabot nito.
Sa ngayon ay hinihintay pa din ang desisyon ng BOD na kinabibilangan nina Dir. Adolfo V. Ogad bilang pangulo, Dir. Dominador I. Ferrer bilang pangalawang pangulo, Dir. Luisa A. Vinzons, Atty. Freddie A. Venida at Dir. Nenette P. Quijano.
Camarines Norte News