Setyembre 6, 2019, Daet, Camarines Norte – Natiklo ng Paracale PNP ang panibagong modus ng mga drug suspect sa ikinasang anti-illegal drug operation sa Purok-6 Barangay Capacuan, Paracale, Camarines Norte dakong 11:58 kagabi, Setyembre 5, 2019.
Kinilala ag mga drug suspect na sina Gian Paguirigan y Villar, 21 anyos, binata, construction worker, residente ng Purok- Mapayapa, Barangay Palanas, Paracale, Camarines Norte at Cris Villarin Y Barrios, 24 anyos, binata, tricycle driver, residente ng Purok- Acasia, Real St., Barangay Poblacion Norte.
Sa tala ng Paracale PNP, sa naging transaksiyon sa police poseur buyer, positibong nakuha sa mga suspek ang isang (1) sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng Php 500.00 buy bust money.
Bukod dito ay nakuha din ang dalawa (2) pang sachet ng hinihinalang illegal na droga na may tinatayang halagang dalwampung libong piso (Php20,000) at transaction receipt mula sa isang pera padala outlet.
Samantala sa naging panayam ng Cool Radio News Fm sa hepe ng Paracale MPS na si PMaj Ryan Rimando, sinabi nito na natuklasan nila sa nasambit na operasyon ang bagong istilo na ginagawa ng mga drug suspect sa transaksiyon ng illegal na droga.
Aniya, kinuha ng mga suspek ang sachet ng droga sa baba ng isang poste sa tapat ng isang kilalang establisyemento nasambit na lugar. May tatak o palatandaan lamang umano ang poste at nakapailalim ang sachet sa isang bato na may palatandaan din.
Sa kanilang imbestigasyon ay isiniwalat ng mga naarestong suspek na itinatago ng mga hindi kilalang personalidad ang droga sa loob ng mga plastic bottle na selyado at ibinabaon ito sa buhangin malapit sa isang partikular na puno bilang palatandaan kung saan ay kukunin naman ito ng drug courier.
Ang transaksiyon naman aniya ay sa pamamagitan na lamang ng cellphoneat at ang bayaran ay sa pamamagitan na ng pera padala outlet. Napag alaman na ibang tao ang kumukuha ng pera at iba din aniya ang kumukuha ng droga at nag aabot sa buyer.
Sa ngayon ay nagsasagawa na umano ang kanilang himpilan ng masusing imbestigasyon sa nasabing kaso. Target umano nila ang mga operator ng droga subalit sa ngayon ay nahihirapan silang matukoy ito dahil number lang umano ng supplier ang hawak ng mga nahuling suspek at hindi rin umano alam ng mga ito ang totoong pagkakakilanlan ng mga ito.
Nasa kustodiya na rin ng Paracale PNP ang mga suspek para sa kaukulang disposiyon.
Camarines Norte News
Photos courtesy of Aris Alexopoulos