Setyembre 10, 2019, Daet, Camarines Norte – Isang resolusyon ang isinusulong ng Sangguniang Bayan ng Daet na tumututol sa planong magnetite mining exploration ng Ephesus Mineral Corporation sa ilang bahagi ng lalawigan kabilang na ang nasambit na bayan.
Sa ginanap na regular na sesyon ng SB Daet kahapon, Setyembre 9, 2019, ipinahayag ng konseho ang kanilang suporta sa pagtutol ni MDRRMO Daet Officer Santiago Mella na matuloy ang naturang eksplorasyon.
Base sa presentasyon ni Mella sa harap ng SB, malaking pinsala ang nagbabadyang maranasan ng bayan ng Daet partikular na ng marine reserve sa Brgy. Bagasbas kung matutuloy ang eksplorasyon.
Nabatid na sakop ng gagawing eksplorasyon ang bahagi ng karagatan sa nasabing barangay kung saan ay matatagpuan din ang marine sanctuary o ang tinatayang nasa 15 ektaryang coral reefs.
Aniya, ang pagkasira ng coral reefs sa karagatan ay magdudulot ng masamang epekto sa mga residente sa lugar pagdaan ng panahon dahil posibleng magkaroon ng coastal erosion kung saan lalaki at aabutin na ng tubig dagat ang mga establisyemento malapit sa baybayin.
Magkakaroon din umano ito ng masamng epekto sa sektor ng pangingisda kung saan libu libong fisherfolks mula sa naturang barangay at karatig barangay ang hihina o mawawalan ng hanap buhay.
Iginiit din ni Mella na ang eksplorasyon ay labag sa umiiral na ordinansa ng Daet patungkol sa pangangalaga sa marine reserve.
Dagdag pa nito, bagaman eksplorasyon pa lamang ito ay maituturing na rin itong pagmimina base sa Philippine Mining Act.
Sa huli ay umapela si Mella sa mga lokal na opisyal ng Daet gayundin sa iba pang mga maapektuhang bayan na harangin ang napipintong exploration na positibo namang tinugunan ng konseho na nagyon nga ay tinututulan na ito sa pamamagitan ng isang resolusyon.
Camarines Norte News