EXPLORATION ACTIVITY NG EPHESUS MINERAL CORP., POSIBLENG HINDI MATULOY AYON SA DENR-MGB!

Setyembre 16, 2019, Daet, Camarines Norte – Malaki ang posibilidad na hindi matuloy ang planong exploration activity ng Ephesus Mineral Corp. sa karagatang sakop ng ilang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte kabilang na ang bayan ng Daet.

Ito ang naging pahayag ni Mr. Antonio MarasiganOfficer in Charge ng Mine Management Division, Mines and Geosciences Bureau (MGBng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region V sa kaniyang pagharap sa ika-35 regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet ngayong umaga.

Ayon kay Marasigan, malabong matuloy ang planong  eksplorasyon kung ito ay patuloy at mahigpit na tututulan ng mga concerned agencies partikular na ng mga lokal na pamahalaan.

Nilinaw din ni Marasigan ang maling balita umanong kumakalat na for endorsement na sa central office ang nasambit na eksplorasyon dahil malayong malayo pa umano itong mangyari lalo na at nasa unang stage pa lamang ng pag acquire ng mga certificates ang kumpanya upang magkaroon ng permit.

Magugunitang kamakailan ay nagpaabot na ng masidhing pagtutol sa nasambit na aktibidad ang SB Daet sa pamamagitan ng isang resolusyon gayundin si Mayor Benito Ochoa dahilan para ipatawag ang mga personalidad mula DENR-MGB upang magpaliwanag at linawin ang estado ng application ng kumpanya.

Napag alaman din na nakarating na sa DENR-MGB ROV ang mga sulat na naglalaman ng protesta mula sa mga alkalde at mga lokal na opisyal sa mga bayan na maaapektuhan ng eksplorasyon.

Aniya, wala pang tugon ang kumpanya ukol sa mga protesta subalit haharap naman umano ang mga ito sa mga Sangguniang Bayan maging sa Sangguniang Panlalawigan para ipresenta ang kanilang plano at dito ay malaya naman umanong ipaabot ng mga opisyal ang kanilang mga concerns at pagtutol.

Basta malinaw aniya na hindi nila pahihintulutan at hindi matutuloy ang exploration activity hanggat hindi nakukumpleto ng kumpanya ang mga mandatory requirements kung saan kabilang ang mga sertipiko na magmumula sa lokal na pamahalaan na pumapayag ang mga ito.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.