Setyembre 16, 2019, Daet, Camarines Norte – Hindi kumbinsido ang Sangguniang Bayan ng Daet maging si MDRRMO Daet Officer Santiago Mella na hindi masasakop ng planong eksplorasyon ng EPHESUS Mineral Corp. ang marine sanctuary sa Brgy. Bagasbas.
Sa ginanap na regular na sesyon ng SB Daet ngayong umaga, ipinaliwanag ni Mr. Antonio Marasigan, OIC ng Mine Management Division, Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region V na hindi kasama ang marine sanctuary sa Brgy. Bagasbas sa masasakop ng eksplorasyon base sa kanilang ginawang ebalwasyon katuwang ang Department of Agriculture (DA) para sa area clearance kung saan awtomatiko na umanong tinanggal sa plano ang mga protected areas upang hindi na masira pa ang mga ito kabilang na ang marine sanctuary sa nasambit na lugar.
Tila hindi naman kumbinsido dito ang konseho at si MDDRMO Officer Mella na nagpahayag ng kani kanilang saloobin.
Ayon kay Konsehal Nestor Dalida ang nasambit na paghuhukay bagaman eksplorasyon pa lamang ay magreresulta sa pagkakaroon ng sinkhole at posibleng magdulot ng coastal erosion sa paglipas ng panahon.
Naging concern naman ni Kosehal Eliza Llovit ang mismong proseso ng exploration na ayon kay Marasigan ay prospective sampling lamang at hindi gaanong makaaapekto sa karagatan dahil aabot lamang sa dalawa hanggang limang kilo sa bawat portion ang kukunin sa ilalim at dadaan sa confirmatory test na posibleng umabot sa anim na taon.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang konsehala sa tagal ng nasambit na confirmatory testing dahil sapat na umano ito para magkaroon ng malaking pinsala sa protected area.
Sinabi naman ni MDRRMO Daet Officer Mella na hindi totoo na hindi masasakop ng exploration ang marine sanctuary ng Brgy. Bagasbas dahil malinaw umanong makikita sa mapa na ang halos isang kilometro ng karagatan dito mula sa baybayin ay nakalaan para sa recreation at ang susunod na apat na kilometro ay marine sanctuary na.
Ang nasambit na apat na kilometro ay pasok sa itinalagang 200m mula main low tide level off shore at 500m away from main low tide level ng DENR at DA sa area clearance kaya malinaw na ipinagbabawal dapat ang pagmimina dito.
Ipinangako naman ni Marasigan na ipaabot nito sa kanilang opisina ang nasambit na usapin dahil posible umanong nagkaroon ng problema sa control map na ginamit para dito matapos matuklasan sa nasambit na sesyon na obsolete na ang mapang ginamit ng mga ito sa presentasyon.
Sa huli ay muling ipinaabot ng konseho ang kanilang mariing pagtutol sa naturang eksplorasyon kung saan posibleng maapektuhan ang libu libong mangingisda at residente sa bayan ng Daet.
Camarines Norte News