Setyembre 19, 2019, Daet, Camarines Norte – Sumuko na sa kapulisan ang 23 na mga napalayang preso sa buong Bicol dahil sa good conduct time allowance (GCTA) kung saan lima dito ay mula sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon kay Major Maria Luisa Calubaquib, Spokesperson ng Philippine National Police Regional Office V, kasama sa mga napalayang preso na ito ay mga convicts ng kasong rape, robbery with homicide, murder, robbery with multiple physical injuries at parricide.
Aniya, anim (6) sa mga ito ay sa Sorsogon, lima (5) sa Masbate, apat (4) sa Albay, tig dalawa sa Catanduanes (2) at Camarines Sur (2) at apat (4) sa lalawigan ng Camarines Norte.
Samantala, ang isa naman na nakalaya nitong nakalipas na taon lamang ay pumanaw na base sa kanilang tala.
Nabatid na ang naturang mga convict ay napalabas ng kulungan ng maaga sa ilalim ng GCTA law, na ipinatupad mula noong 2013.
Matatandaang ipinag-utos kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumuko sa loob ng 15 araw ang nasa 2,000 heinous crime convicts na napalaya dahil sa umano’y mabuting asal sa kulungan. Kung hindi kusang susuko ang mga ito ay tatawaging pugante at muling tatratuhing kriminal na nagtatago sa batas.
Magtatapos ang ultimatum na ito sa ngayong araw, Setyembre 19, 2019.
Nag ugat ang nasambit na isyu ng diumano ay mabigyan ng GCTA ang Rape at Murder convict na si Ex Calauan Mayor Antonio Sanchez at sumingaw ang umanoy pagbebenta ng GCTA credits at hospital pass sa mga preso na ngayon ay iniimbestigahan sa senado.
Camarines Norte News