Setyembre 25, 2019, Labo, Camarines Norte – Tinupok ng apoy ang isang Videoke Bar sa Purok 1, Barangay Masalong sa bayan ng Labo, kaninang alas nuebe ng umaga.
Hinala ng isa sa mga namamahala ng nasunog na RENZ Videoke Bar, posibleng sinadaya itong sunugin ng hindi pa nila mabatid na salarin.
Sa panayam ni Mark Garcia Salen ng Kabalikat Bicol sa mga okupante at namamahala ng nasunog na videoke bar, naubos nila ang tatlong fire extinguisher subalit tila hindi ordinaryong sunog ang nangyayari dahil hindi nila ito maapula, duda nya, tila may ibinuhos umano na gasolina dito kung kayat, mabilisan at nagtuloy tuloy na ang sunog. Anila, maaaring dulot ito ng inggit sa kanilang negosyo ng hindi naman tinukoy na personahe.
Walang naisalbang mga kagamitan ang mga biktima na pawang mga kababaihan. Bukod sa mga personal na kagamitan, kabilang sa natupok ng apoy ang dalawang refrigerator at dalawang videoke machine. Natupok ng husto ang nasabing Videoke Bar na may umaabot sa labing tatlong kwarto.
Samantala, sa pag responde naman ng fire truck ng bayan ng Labo, aksidente itong nahulog sa isang malalim na bahagi ng gilid ng kalsada, malapit lang mismo sa nasusunog na istraktura. Tuluyan ding naapula ang apoy matapos na rumesponde na rin ang iba pang pamatay sunog.
Wala pang ipinalalabas na resulta ng imbestigasyon ang Labo Fire Department habang sinusulat ang balitang ito.
Rodel Macaro Llovit/Cool Radio 100.5Mhz
Camarines Norte News
Photo: Ian Ray Lardizabal
Interview by: Mark Garcia Salen (FB)