
Setyembre 27, 2019, Daet, Camarines Norte β Hindi magbibigay ng endorsement o permiso ang Sangguniang Panlalawigan para sa planong exploration at offshore mining ng Ephesus Mining Corp. sa karagatang sakop ng ilang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa ginanap na regular na sesyon ng SP nitong nakatalikod na araw ng Miyerkules, Setyembre 25, 2019 humarap si Engr. Antonio Marasigan, OIC ng Mines Management Division ng MGB- Region V upang talakayin ang estado ng application ng nasambit na kumpanya.
Bagaman sinabi nito na nasa unang stage pa lamang ng application ang Ephesus at kakailanganin pang humarap sa Sangguniang Barangay, Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan para sa consultation, nagpahayag na ng matinding pagtutol ang mga bokal ng lalawigan.
Nagkasundo ang mga ito na hindi magbibigay ng endorsement o certification ng pagpayag upang hindi na tuluyang mag materialize ang plano na siguradong magdudulot ng masamang epekto sa karagatang sakop ng Camarines Norte.
Siniguro naman ng MGB na hindi sila mangbibigay ng permit sa naturang kumpanya kung wala itong maipapakitang proof of consultation at certification ng pagpayag ng nasambit na Sanggunian.
Magugunitang kamakailan ay humarap na din si Engr. Marasigan sa SB Daet at SB Mercedes na kapwa mariing tumututol sa nasambit na eksplorasyon.
Camarines Norte News