Setyembre 30, 2019, Daet, Camarines Norte – Posibleng mas mataas pa sa kumpirmadong 75 ang kaso ng HIV sa Camarines Norte.
Ito ay ayon sa datos ng Provincial Health Office (PHO) na ipinresenta sa Channel of Hope Seminar Workshop na isinagawa dito sa bayan ng Daet nitong nakatalikod na lingo.
Ayon kay Provincial Health Officer I Dr. Arnel Francisco, nakaka- alarma na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa partikular dito sa lalawigan ng Camarines Norte kung saan 75 na nga ang kupirmado dito base sa datos na nakalap hanggang Disyembre ng taong 2018.
Posible din aniya na mas mataas pa dito ang totoong bilang ng may naturang sakit dahil marami pa rin ang hindi pumupunta sa mga klinika para magpasuri.
Ilan sa mga posibleng dahilan kung bakit ayaw magpatest ng isang suspected HIV patient ay takot, panglalait at diskriminasyon ng komunidad.
Gayunpaman, siniguro naman ng PHO na walang dapat ipangamba ang mga ito dahil nakahanda ang kanilang opisina para tulungan ang mga biktima.
Nagpasalamat din si Francisco sa mga taga simbahan na makakatuwang na umano nila ngayon sa pagtuturo sa mga tao hinggil sa HIV.
Camarines Norte News