Oktubre 7, 2019, Talisay, Camarines Norte – Hindi na nakaligtas ang driver at isang backrider habang kritikal naman ang isa pang backrider matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang Isuzu AUV Tamaraw Jeepney dakong 12:05 ng madaling araw kahapon, Oktubre 6, 2019 sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Purok 1A Barangay Poblacion, bayan ng Talisay.
Base sa tala ng Talisay PNP, binabagtas ng Jeepney na minamaneho ni Renato Dimaculangan Y Rosales, 48 anyos, residente ng Sariaya Quezon, ang highway mula sa bayan ng Labo patungo sa bayan ng Daet nang biglang sumulpot sa kanilang linya ang isang itim na Honda 125 motorcycle na patungo naman sa kasalungat sa direksiyon.
Nabatid na mabilis ang takbo ng motorsiklo na kinain ang kabilang linya ng kalsada at tuluyang sumalpok sa harapang bahagi ng jeepney.
Kinilala ang driver ng nasambit na motorsiklo na si Bernard Palayahay Y Gabiazo, 22 anyos, residente ng Brgy. Poblacion na naturang bayan habang inaalam pa ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng dalawang backrider.
Isinugod sa Panlalawigang Pagamutan ang ang tatlo subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician si Palayahay at isa sa mga kasamang backrider habang nasa kritikal na kondisyon naman ang isa pa.
Nasa kustodiya na ng Talisay PNP ang mga sasakyang sangkot sa insidente habang patuloy naman ang imbestigasyo ukol dito.
Camarines Norte News
Photo courtesy of Kabalikat Civicom Talisay