KONSEHAL SA BAYAN NG TALISAY NANUNTOK; SANGKOT NA OPISYAL, NAGPALIWANAG!

Oktubre 7, 2019, Daet, Camarines Norte – Inirereklamo ngayon ng isang residente sa bayan ng Talisay ang panununtok sa kaniya ng isang konsehal na naganap  nitong nakatalikod na Oktubre 5, 2019, sa Talisay Quadrangle kung saan ginaganap ang Barangay Night kaugnay ng pagdiriwang ng kapiyestahan ng naturang bayan.

Sa isang facebook post, ipinahayag ng isang John Dei Llanera y Dela Cruz, redisente ng nasambit na bayan ang kaniyang galit at pagkadismaya sa pananakit sa kaniya ng isang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Talisay na kinilalang si Konsehal Randy “Rey Porter” Abante.

Nabatid na nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng Konsehal at ni Llanera kasama ang grupo nito na nauwi sa insidente ng pananakit.

Umamin naman ang konsehal na nagawa nitong suntukin si Llanera subalit pinabulaanan nito ang nakasaad sa facebook post ng una na “pambubugbog” dahil nasuntok lamang umano ito dahil naprovoke ito sa mga pahayag laban sa kaniya at hindi na nito napigilan ang galit.

Sa isang recoded audio, lumalabas na tinawag si Konsehal Abante ng grupo ni Llanera upang itanong kung bakit nito binlock sa Facebook si Llanera at ilan pang kasamahan nito.

Paliwanag ng Konsehal, ayaw na nitong makita ang mga posts nina Llanera na diumano ay mapanira sa kaniyang panig kaya binlock ito bagay na karapatan naman umano nito bilang facebook user subalit hindi umano ito nilubayan ng pakikipagtalo kahit na nagpakita na ito ng pagpapakumbaba at sinabing siya na ang mali.

Bunsod nito, napikon umano ang konsehal dahilan para suntukin nito si Llanera, bagay na kanyang inaamin at batid na mali bilang isang opisyal kaya naman humingi ito ng paumanhin at nagpaliwanag ng humarap ang dalawa sa alkalde ng bayan.

Samantala, hiniling din umano ni Llanera na mag usap sila ng personal ng silang dalawa at dito ay humingi ito ng dalwampung libong pisong kabayaran (Php 20,000) bilang danyos upang hindi na rin ipost sa facebook ang pangyayari subalit tumanggi si Abante sa kadahilanang nawawala umano ang wallet na naglalaman ng atm nito ng mga oras na iyon.

Sa ngayon ay desidido ang kampo ni Llanera na magsampa ng kaukulang kaso laban kay Abante na haharapin naman ng kampo ng opisyal ng bayan.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *