
Oktubre 8, 2019, Daet, Camarines Norte – Kaugnay ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week sa buong bansa, pinarangalan na kahapon ng Lokal na Pamahalaan ng Daet ang tatlong barangay na nagwagi bilang Most Senior Citizens Friendly Barangay mula sa 25 barangays sa naturang bayan.
Tinanghal bilang Most Senior Citizens Friendly Barangay ang Barangay V na sinundan ng Barangay I habang pangatlo naman ang Barangay III.
Tumanggap ang nangunang barangay ng cash prize na Php 6,000.00 at plaque of recognition habang Php 4,000 at plaque naman para sa pangalawang parangal at Php 3,000 at plaque para sa pangatlong parangal.

Dumalo sa nasambit na awarding ceremony ang mga Barangay Officials, mga miyembro at opisyal ng Barangay Senior Citizens Assocition (BASCA) ng 25 barangay ng bayan ng Daet at mga miyembro ng Sangguniang Bayan partikular na ang pinuno ng Committee on Senior Citizens na si Mun.Councilor Tomasito “Tom” Turingan at pinuno ng Committee on Social Services na si Mun.Councilor Ma. Eliza H. Llovit.
Dumalo naman para kay Mayor Benito “B2K” Ochoa si Municipal Information Officer Joan Dela Fuente.
Tumayo naman bilang Guest Speaker si Camarines Norte 2nd District Representative Marisol “Toots” Panotes na nagbigay ng update sa kaniyang ginagawa sa kongreso bilang miyembro din ng Committee on Senior Citizens at Social Services sa Kongreso.

Aniya, batid nito na isa ang bayan ng Daet sa apat na mga bayan sa lalawigan na di pa nakakatanggap ang mga senior citizens ng social pension kaya kaniya niyang kinausap ang head ng DSWD upang mapabilis na ang pagrelease nito at kaniya umanong tututukan ang nasabing problema.
Samantala, dagdag saya naman para sa mga nakatatanda ang ilan pang minor awards na ibinigay tulad ng Best Dressed Award na nakuha ng lolo at lola mula sa Barangay Camambugan, Early Bird Award na nakuha ng representative mula sa Barangay Calasgasan at Large Number of Participants Award na nakuha ng Barangay Bagasbas.



Nagbigay kulay naman sa okasyon ang variety show kung saan tampok ang ibat ibang performances ng ilang miyembro ng BASCA sa bayan ng Daet.
Camarines Norte News